259 total views
Hinimok ng kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mananamplataya na palakasin ang pananampalataya upang magkaroon ng pagbabago sa sarili at lipunan.
Ito ang panawagan ni Cardinal Tagle sa thanksgiving mass sa Minor Basilica of Immaculate Conception para sa naging canonization ni Mother Teresa of Calcutta.
Pinuna ni Cardinal Tagle ang nangyayari ngayon na naiiba ang pinagmumulan ng lakas na hindi galing sa pananampalataya at pag-ibig.
Tinukoy ng Kardinal na mas inaasahan at tinatangkilik ngayon ng tao ang lakas na nanggaling sa pera, sa kapangyarihan, sa posisyon at dahas sa halip na mula sa pananampalataya.
“Mga kapatid ito po ang una nating dapat ipagdiwang ang lakas ng pananampailataya para sa sariling pagbabago at pagbabago ng lipunan. Ang mundo natin ngayon para mabago ang sarili at ang lipunan ay umaasa tayo sa lakas ng pera, lakas ng posisyon, lakas ng kapit, lakas ng dahas.” Pahayag ni Cardinal Tagle.
Ipinaalala ni Cardinal Tagle na ang tunay na pagbabago sa lipunan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng lakas ng pananampalataya at pag-ibig sa Diyos tulad ni St. Teresa of Calcutta na puno ng pag-ibig at pananampalataya sa Diyos na naging Santo at banal na nagpapabago sa ibang tao at sa sangkatauhan.
“Minahal tayo ni Hesus at kapag siya ay kaulayaw natin maraming mababago at maraming kaya nating baguhin sa tahimik na paraan hindi nagyayabang, hindi tumatawag ng atensiyon sa sarili, hindi naghihintay ng papuri subalit tunay ang pagbabago kapag ang pinagmumulan nito ay ang pananampalataya at pag-ibig ng panginoon.”pahayag ni Cardinal Tagle
Hinimok ng pangulo ng Caritas Internationalis ang mga mananampalataya na huwag kalilimutan at sasayangin ang pinakamalakas na regalong bigay ni Hesus sa atin na pananampalataya.
Tiniyak ni Cardinal Tagle na kung buhay ang Diyos sa atin ay mas malakas tayo at ang lakas natin hindi nagmumula sa sarili at sa ating mga magagamit kundi mangagaling kay Hesus at ang kanyang pag-ibig.
“Kung talagang nagmamahal kayang magbago, ang pag-ibig ang may puwersa para sa pagbabago. Iyan ang ginawa ni Hesus at yan ang ginagawa ng mga Santo, ipakita sa atin sinasabi nga nila the revolution of love. Hindi rebolusyon ng armas at ng dahas kundi rebolusyon ng pagbabago dulot ng pag-ibig, pakikipagkapwa tao at paggalang sa tao.” giit ni Cardinal Tagle.