425 total views
Nagpasalamat ang pamunuan ng Caritas Manila sa Isuzu Philippines Corporation sa pagtugon sa pangangailangan ng social arm ng Archdiocese of Manila upang makapaghatid ng tulong sa mga mahihirap na komunidad.
Ang pasasalamat ay kasunod ng pagkakaloob ng kompanya ng isang Isuzu pick-up na magagamit sa mga relief operations ng Caritas Manila sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon partikular sa National Capital Region.
Ayon kay Caritas Manila Executive Director Reverend Father Anton CT Pascual, makabuluhan ang pagkaloob ng sasakyan sa mas pinaigting na pag-aabot ng tulong sa mga malilit na komunidad sa Metro Manila at sa mga driver ng jeep na nawalan ng kabuhayan.
“Nagpapasalamat tayo kay Hajime Koso ang presidente ng Isuzu Philippines Corporation na naghandog ng isang Isuzu pick-up at nag- donate sa Caritas Manila para magamit ngayong pandemya kung saan tayo ay patuloy na nagbibigay ng ayuda sa mga nagugutom na jeepney drivers, at mga urban poor communities,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Tiniyak naman ni Isuzu Philippines President Hajimi Koso ang patuloy na pagsuporta sa mga programa ng social arm ng simbahan sa ikauunlad ng pamumuhay ng mga maralitang Filipino.
“Isuzu Philippines is truly devoted to be able to help the endeavours of Caritas Manila to enrich and uplift the lives of the Filipinos through various social and livelihood program,” mensahe ni Koso.
Inihayag ni Fr. Pascual na bawat pribadong kompanya ay nagpapatupad ng corporate social responsibility subalit mahalaga ang partnership sa iba’t-ibang organisasyon tulad ng Caritas Manila na malawak ang networking sa mga komunidad.
Bukod sa handog na sasakyan, benepisyaryo rin ang Caritas Manila sa programa ng kompanya na ‘Isuzu Kasama Mo’, kung saan sa bawat pagbili ng sasakyan ng Isuzu ay makapag-donate na rin ito ng mga medical supplies para sa mga frontliners.
Umaasa si Fr. Pascual na mas lumawak pa ang pagtutulungan ng Caritas Manila sa iba’t-ibang pribadong institusyon upang higit na maabot ang mga maralita na kadalasang biktima ng kalamidad at man-made crisis.
Pinangunahan naman ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang pagbabasbas sa sasakyan, kasama sina Fr. Pascual, Hajime Koso, mga kawani ng Caritas Manila at Isuzu Philippines.