278 total views
Binigyang diin ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mahalaga ang katahimikan sa pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
Ayon kay Boac Bishop Marcelino Maralit Jr, ang chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Communication malinaw ang mensahe ng Kabanalan Francisco ngayong kwaresma na iwasan ang gadget sa halip ay ituon ang panahon sa pagninilay.
Sinabi ng Obispo na kadalasan ay sagabal ang gadget sa pagtamo ng katahimikan na kinakailangan upang makapagnilay.
“We have to go back to the basics of reflection and prayer which is, una silence; if we have cellphones or anything that distracted by other things we will never get that silence necessary for us to be able to listen to God,” pahayag ni Bishop Maralit sa Radio Veritas.
Aniya, dapat buksan ng mananampalataya ang bibliya ang pinakabatayang text message ngunit nagmumula sa Diyos.
Sa mensahe ni Pope Francis hinimok ng nito ang mahigit isang bilyong Katoliko na bawasan ang oras sa paggamit ng cellphone at telebisyon upang maiwasan ang ingay ng mundo na hadlang sa pakikipag-usap sa Panginoon.
Iginiit ni Bishop Maralit na hindi masama ang magkaroon ng mga gadget tulad ng cellphone subalit puno na rin ito ng mga negatibong bagay tulad ng mga fake news.
“The problem is contaminated na [gadgets] and this world right now marami nang laman ng ating mga cellphone and gadgets,” saad pa ni Bishop Maralit.
Batay sa pagsusuri ng Global Web Index nangunguna ang Pilipinas sa paggamit ng social media sa buong mundo na naitala sa 72 porsyento sa kabuuang populasyon ang aktibo sa internet o katumbas sa 71 milyong Filipino.
Giit ni Bishop Maralit na marahil mahirap pigilan ang nakaugaliang gawain sa social media ngunit ngayong panahon ng kwaresma pagtuunan nawa ng lahat ang pagninilay at pakikipag-usap sa Diyos.
“I would like to invite everybody during especially this Lenten season the ability to put aside your phones for at least two hours a day; pray, read the bible, read spiritual books, pray the rosary, do something different this lenten season and I assure you it will change you a lot,” dagdag pa ng obispo.(Norman Dequia)