774 total views
Mga Kapanalig, tututulan ng ilang kaalyadong senador ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsisimulang muli ng imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC sa alegasyong crimes against humanity ng administrasyon ng dating pangulo. Sakop ng imbestigasyon ng ICC ang mga kaso ng pagpatay at extrajudicial killings noong alkalde pa si dating Pangulong Duterte ng Davao City mula Nobyembre 2011 hanggang June 2016. Iimbestigahan pati ang mga pagpatay sa ilalim ng kanyang “war on drugs” mula July 2016 hanggang March 16, 2019, isang araw bago umalis ang Pilipinas sa Rome Statute, ang kasunduang pinagbabatayan ng ICC.
Para kina Senador Jinggoy Estrada, Robinhood Padilla, at Francis Tolentino, kawalan ng paggalang sa pamahalaan ang imbestigasyong gagawin ng ICC. May sapat na kakayahan naman daw ang sistemang pangkatarungan sa bansang papanagutin ang mga maysala. Naghain sila ng mga resolusyon sa senado upang pigilan ang pagbabalik-imbestigasyon ng ICC. Sa resolusyong inihain ni Senador Padilla, dinepensahan niya ang dating pangulo at sinabing kailangan ang paglaban sa iligal na droga upang makamit ang tunay paglago at kaunlaran sa bansa. Para naman kay Senador Estrada, ang apat na criminal cases na isinampa ng Department of Justice at Philippine National Police (o PNP) sa mga abusadong pulis ay patunay na pursigido ang pamahalaang papanagutin sila. Nanindigan din si Senador Tolentino sa kanyang posisyong hindi kailangan ang imbestigasyon ng ICC.
Sa kabila ng mga ito, kinakapitan ng pag-asa ng mga pamilyang naulila sa madugong giyera laban sa iligal na droga ang imbestigasyon ng ICC. Ayon sa PNP, nasa anim na libo ang napatay sa kanilang mga operasyon upang sugpuin ang iligal na droga. Malayo ito sa dalawpu’t pitong libong tala ng iba’t ibang grupong nagsusulong ng karapatang pantao sa bansa. Karamihan sa mga biktima ay mahihirap. Patuloy na nagdalamhati at naghahangad ng hustisya ang kanilang mga naiwan.
Isa sa mga umaasa sa imbestigasyon ng ICC si Khristine Pascual, ina ni Joshua Laxamana, isang menor de edad na napaslang noong 2018 dahil “nanlaban” daw siya sa operasyon ng mga pulis. Kuwento ni Khristine sa isang pahayagan noong isang linggo, limang araw nang nawawala si Joshua nang puntahan siya ng mga pulis sa kanyang pinagtatrabahuhan upang ibalitang pumanaw na ang kanyang anak. Nagtamo si Joshua ng anim na tama ng baril. Hindi naman naniniwala si Khristine sa mga ibinibintang sa kanyang anak. Nagsampa siya ng mga kaso laban sa mga pulis na umabot pa sa Supreme Court. Na-dismiss ang mga kaso. Ani Khristine, paanong hindi sila aasa sa ICC kung para nang tinuldukan ang mga kaso, samantalang hindi pa nila nakakamit ang tunay na hustisya. Dagdag pa niya, isa sa mga nagbibigay pag-asa sa kanila ang imbestigasyon ng ICC. Lahat silang mga ulilang ina sa giyera kontra iligal na droga ay kumakapit dito nang mahigpit.
Malinaw ang posisyon ng Simbahan laban sa pagpatay. Sagrado ang bawat buhay ng tao. Nakabatay ito sa dignidad ng bawat isang taong nilikha sa wangis ng Diyos. Ayon nga sa Roma 8:39, “kahit anumang bagay ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.” Walang anumang kasalanan o pagkakamali ang maaaring maging dahilan upang maalis ang ating halaga bilang tao. Katulad ng pag-ibig ng Diyos para sa atin, walang hanggan ang posibilidad na magbago ang sinuman.
Mga Kapanalig, walang pagpaslang sa ngalan ng paglago o kaunlaran ang mabibigyang katuwiran. Ang imbestigasyon ng ICC ay hakbang upang papanugutin ang mga lumapastangan sa dignidad ng tao. Sa halip na pigilan ito, dapat itong suportahan lalo na ng ating mga lingkod-bayan. Ang katapatan ng mga lingkod-bayan ay dapat nasa taumbayan. Kung nakakaligtaan nila ito, huwag nawa tayong mangiming ipaalala sa kanilang ang pagtataguyod sa ating dignidad ang dapat na prayoridad nila.
Sumainyo ang katotohanan.