188 total views
Ito ang hamon ni Howie Severino, Vice President for Professional Development ng GMA Network sa mga Social Communicators sa 5th National Catholic Media Convention, sa Lipa City, Batangas.
Ayon kay Severino, mahalagang itaguyod ang katotohanan sa lahat ng aspeto subalit lalo’t higit sa larangan ng pamamahayag.
Pinayuhan din nito ang mga Social Communicators na maging mapanuri upang matukoy ang katotohanan sa gitna ng paglaganap ng mga maling akusasyon at mga maling balita.
Naniniwala din si Severino sa lakas at potensyal ng simbahan upang manindigan at ipagtanggol ang katotohanan.
Aniya, malaki ang maitutulong ng pag-suporta at pagtulad sa katapangang ipinapamalas ni Fr. Albert Alejo, SJ na ngayon ay kabilang sa inaakusahan ng mga maling paratang.
“Ang potensyal ng simbahan ay sa tingin ko sa akin is to inspire people to be brave and there are opportunities to do that right now one of my good friend si Fr. Albert Alejo is in the cross fire, batang bata pa kami magkaibigan na kami and I have followed his journey so he’s done a lot more than many Filipinos to stand up and stand for the truth basically so he’s been an example of courage and maybe we need more people like him.” Pahayag ni Severino sa panayam ng Radyo Veritas.
Samantala, hinamon pa nito ang simbahan na sikaping masabayan ang mabilis na pag-unlad ng teknolohiya at ang paggamit ng social media upang maabot ang mas maraming mga mananampalataya.
Aniya, maraming makabagong teknolohiya na kinakailangang madiskubre lalo na ng simbahan upang magamit ito sa kabutihan at pagpapalaganap ng katotohanan, sa halip na sa maling pamamaraan ng paggamit.
“Ang daming technologies ngayon na hindi pa halos na ta-tap and the ones who are best tapping the new technologies to be very honest are people who don’t have good intentions. Na gain nila ‘tong system na to and we’re catching up, we’re only catching up. It’s obvious. We all do, [the church needs to catch up with the new technology].” Dagdag pa ni Severino.
Nitong ika-6 hanggang ika-9 ng Agosto ginanap ang taunang National Catholic Media Convention sa pangunguna ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Communications (CBCP ECSC).
Tinatayang humigit kumulang 180 mga delegado mula sa 86 na mga Diyosesis at Arkidiyosesis sa buong Pilipinas ang dumalo sa pagtitipon ng mga Social Communicators at inaasahan ang mga ito na magiging tagapagpalaganap ng mabuting balita ng Panginoon.