788 total views
Hinimok ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera ang mamamayan na magtulungang itaguyod ang pamayanang magkakaugnay at nagbubuklod.
Ito ang hamon ng arsobispo sa pagdiriwang ng simbahan sa Jubilee of the World of Communications mula January 24 hanggang 26.
Sa misang pinangunahan ni Archbishop Garcera sa Minor Basilica and Parish of St. Martin of Tours sa Taal, Batangas binigyang diin nito ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mamamayan sa diwa ng Eukaristiya upang labanan ang anumang hamong sirain ang ugnayan ng tao.
“My dear young people, my dear students of the Catholic schools, parents and teachers, remember the words of Pope Francis, always create a culture of encounter with people and not with gadgets and machines. Paghandaan natin ang malakas na agos ng artificial intelligence sa mga susunod na buwan at taon na magiging kapalit sa makataong kamalayan at pagninilay. Tandaan natin ang malakas na agos ng malawak na karagatan ng artificial intelligence ay magiging mundo hindi lamang para sa mga kabataan kundi para sa ating mga taga-simbahan,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Garcera.
Tinukoy ng opisyal ang masamang epekto ng labis na paggamit ng teknolohiya tulad ng pagkalulong ng mga kabataan sa cellphone at computer na naging hadlang sa pakikipag-ugnayan sa kapwa gayundin ang labis na paggamit ng social media na naging sanhi ng pagdami ng kaso ng may suliranin sa mental health.
Sa ulat ng Data Reportal noong 2024 sa 116 na milyong populasyon ng Pilipinas halos 100 porsyento rito ang gumagamit ng cellular phone, 86.98 million ang internet users o halos dalawang milyong mas mataas kumpara noong 2023.
Sa nasabing bilang 86.75 million ang aktibo sa social media kung saan nangunguna ang Facebook sa mga social media platforms na ginagamit ng mga Pilipino.
Sa pagdiriwang ng 58th World Day of Social Communications noong 2024 sa temang ‘Artificial Intelligence and the Wisdom of the Heart: Towards a Fully Human Communication’ iginiit ni San Pablo Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Communications na mas may kakayahan ang tao na mag-isip para ikabubuti ng kapwa at buong pamayanan kaya’t hindi dapat umasa ang tao sa paggamit ng AI na kayang manipulahin ang pagkakilanlan ng isang indibidwal.
Batid ng simbahan ang mabubuting dulot ng pag-usbong ng teknolohiya tulad ng A.I subalit paalala nito sa mamamayan ang ibayong pag-iingat sa paggamit nito dahil maaring magdulot ito ng panganib at kapahamakan ng sinuman.