30,609 total views
Naniniwala ang Department of the Interior and Local Government na ang pangangalaga at pagsusulong sa karapatang pantao ang saligan ng matatag at maunlad na republika.
Ito ang mensahe ni DILG Secretary Benjamin Abalos, Jr. sa paggunita sa National Human Rights Consciousness Week (NHRCW) 2023 mula December 4-10.
Ayon kay Abalos, ang paggalang sa karapatang pantao ay nangangahulugan ng pagbibigay ng karapatan sa bawat mamamayan para sa mga serbisyo ng pamahalaan, katarungan at kaligtasan mula sa anumang panganib, at pagtamasa ng kalayaan.
“Without respect for human rights, we can’t achieve lasting peace and genuine development,” pahayag ni Abalos.
Sa pangunguna ng Commission on Human Rights, ginugunita ang NHRCW ngayong taon na may temang “Dignidad, Kalayaan, at Katarungan para sa Lahat” na sumasalamin sa mayabong na adhikain ng Komisyon upang pangalagaan ang karapatan ng lahat.
Kasabay din nito ang ika-75 anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR).
Samantala, hinimok naman ni Abalos ang lahat ng local chief executive na maglunsad ng mga programa bilang pagsuporta sa Human Rights Week upang matulungan ang mga kinasasakupan na higit na maunawaan ang tema ng pagdiriwang ngayong taon.
Gayundin ang apela sa Philippine National Police na igalang at pahalagahan ang karapatan ng bawat mamamayan sa pamamagitan ng wastong pagpapatupad at pagsunod sa international human rights standards and practices.
“Patuloy tayong manindigan sa mandato ng pamahalaan na maging tagapagbantay at tagapagtaguyod ng karapatang pantao ng bawat Pilipino, anumang edad, kasarian, relihiyon, o antas ng pamumuhay,” saad ni Abalos.
Patuloy naman ang paninindigan ng simbahan sa pagsusulong para sa pantay na karapatan ng bawat mamamayan tungo sa pagkakaroon ng mapayapang lipunan.