253 total views
Mga Kapanalig, bilang paghahanda sa pagpasok ng bagong administrasyon, isa-isa nang pinapangalanan ni President-elect Ferdinand “Bong-bong” Marcos, Jr. ang mga miyembro ng kanyang gabinete. May ilang nagtaas ng kilay sa pagkakatalaga kay Cavite 7th District Representative Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang kalihim ng Department of Justice (o DOJ). Maraming naalarma rito dahil sa mga kontrobersiyang kinasangkutan niya noon.
Kilala si Congressman Remulla sa red-tagging o pagdadawit sa mga indibidwal at grupo sa mga komunistang grupo kahit walang ebidensya. Noong panahon ng kampanya, inilarawan ni Congressman Remulla ang mga dumalo sa campaign rally sa Cavite ni Vice President Leni Robredo na mga “aktibista” at “mula sa mga kaliwang grupo.” Matatandaan din ang mga naging pahayag niya tungkol sa mga community pantries na tumulong sa maraming Pilipinong walang makain noong kasagsagan ng pandemya. Sa kabila ng pagpunô ng community pantries sa kakulangan ng ayuda ng pamahalaan, binansagan ni Congressman Remulla na “pasikat” ang mga community pantries na nagsulputan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Mayroon din daw “political agenda” ang mga nasa likod ng mga ito. Pinalalâ ng mga pahayag ni Congressman Remulla ang pag-aakusa ng iba pang nagsabing mga miyembro ng New People’s Army ang nagpapatakbo ng mga community pantries.
Matatandaan din ang pagtanggi ng kongresistang pakinggan ang pahayag ng isang estudyanteng Lumad sa isang pagdinig sa Kongreso noong nakaraang taon. Iniimbestigahan noon ang sinasabing pagsagip ng mga awtoridad sa mga estudyanteng Lumad mula sa mga grupong tinuturuan daw ang mga batang magalit sa pamahalaan. Itinatanggi ng estudyante na kinakailangan silang sagipin, ngunit iginigiit ni Congressman Remulla na naging radikal na raw ang bata at hindi makabubuti sa interes ng pamahalaan na pakinggan ang kanyang “propaganda.” Nauwi sa sagutan ng mga kongresista ang tila pagpapatahimik ni Congressman Remulla sa batang Lumad.
Bilang paparating na kalihim ng DOJ, si Congressman Remulla ang magiging pangunahing responsable sa pagtataguyod ng katarungan sa ehekutibong sangay ng ating pamahalaan. Ilan sa mga inaasahang haharapin niya ay ang mga isyung kaugnay ng war on drugs at ang pagpapatupad ng Administrative Order 35 na naglalayong suriin ang mga kaso ng pagpatay sa mga aktibista. Ayon kay Congressman Remulla, handa siyang siyasatin ang mga ito. Nangako siyang kikilos sa ngalan ng “katarungan para sa lahat.”
Naniniwala ang mga panlipunang turo ng Simbahan na mahalaga ang katarungan sa pagtataguyod sa dignidad ng tao. Ang katarungan ay nakatungtong sa paniniwalang dapat ibigay sa mga tao ang mga bagay at ang pagkilalang nararapat sa kanila. Makakamit lamang ang katarungan kung tunay na naigagalang ang dignidad ng bawat isa at malayang nakakamit ng lahat ang kanilang mga karapatan. Ang pagkilala sa dignidad at karapatan ng tao ay ang unang hakbang tungo sa katarungan.
Kaya masasabi bang may katarungan kung hindi kinikilala ang kahalagahan ng pagkakaiba-iba ng mga pananaw at opinyon? Tunay ba ang katarungang naglalayong patahimikin ang mga boses na hindi natin katulad ang paniniwala? Huwad ang katarungang nananakot at nagpapatahimik. Dapat nating isulong ang katarungang kinikilala ang dignidad at karapatan ng bawat isa. Sa pamamagitan lamang nito tayo makatutugon sa panawagan sa Isaias 1:17 na pag-aralang gumawa ng makatuwiran, pairalin ang katarungan, tulungan ang naapi, ipagtanggol ang mga ulila, at tulungan ang mga biyuda.
Mga Kapanalig, hindi madali ang pagsusulong ng tunay na katarungan. Gayunpaman, nawa’y manatili tayong matapang at aktibo sa pakikilahok sa pamamahala upang makamit natin ito. Patuloy tayong maging mapagmatiyag sa bawat hakbang ng ating mga lider. Huwag mangiming magsalita sa kawalan ng katarungan sa ating paligid. Sa huli, bahagi ng ating tungkulin bilang Kristiyano ang itaguyod ang dignidad ng lahat sa pamamagitan ng pagkamit sa katarungan.