214 total views
Umaasa ang dating opisyal ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na ganap na maisaayos at maitakda ng mga mambabatas ang regular na petsa ng halalang pambarangay sa bansa.
Ito ang saloobin ni Former PPCRV Chairperson Henrietta De Villa kaugnay sa panibagong pagpapaliban ng nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election sa May 2020.
Naninindigan si De Villa na dapat legal na maisabatas ng mga mambabatas ang magiging regular na petsa ng halalan upang maging patas ang haba ng termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay sa bansa.
Iginiit ni De Villa na hindi dapat maging atras- abante ang pagsasagawa ng halalan sa bansa na labag sa nasasaad sa Konstitusyon.
“Sana i-fix na nila, i-fix na nila hindi yung ganoong paatras abante at saka kailangan din yung terms ng barangay officials kailangan eksakto na rin hindi yung iba dahil mas matagal pinospone mas matagal ang kanilang panunungkulan. Yung iba naman dahil eksaktong ginanap maikli ang panunungkulan hindi maganda yun, kailangan lang i-fix na nila by law kung kailan ba ang eleksyon ng Barangay at ng SK…” pahayag ni De Villa sa panayam sa Radyo Veritas.
Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill No. 1043 na sakaling maisabatas ay ipagpapaliban sa December 2022 ang Barangay at SK Elections o 5-buwan matapos ang pagsasagawa ng Presidential Elections sa Mayo ng kaparehong taon.
Kasunod nito ay isasagawa na kada 3 taon ang mga susunod na halalang pambarangay.
Samantala, aprubado na rin sa committee level ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang bersyon ng panukalang pagpapaliban ng Barangay at SK Elections.
Nasasaad sa panlipunang turo ng Simbahan na ang eleksyon ay isang kongkretong pamamaraan kung saan nangingibabaw ang sama-samang boses ng mamamayan na humuhulma at nagluluklok sa mga susunod na lider ng bansa.