421 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa paggunita ng bansa ng ika-80 taong Araw ng Kagitingan sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National Director ng Caritas Philippines, mahalagang alalahanin at patuloy na kilalanin ang lahat ng mga nagbuwis ng buhay upang makamit ng Pilipinas ang kalayaan laban sa pananakop ng mga dayuhang bansa.
Ibinahagi ng Obispo na ang tinatamasang kalayaan sa pananampalataya sa Diyos at dignidad ng pagiging Filipino sa kasalukuyang panahon ay bunga ng kagitingan at pagbubuwis ng buhay ng mga bayani ng bansa.
“Pagbati sa lahat ng ating mga kababayan na ngayon ay pinagdiriwang natin ang ating Araw ng Kagitingan, nawa ay maalala natin ang pagbuwis ng buhay ng marami nating mga kababayan upang makamit natin ang ating kalayaan at maipagmalaki natin ang ating dignidad bilang Filipino. Ngayong Araw ng Kagitingan ay ipinapakita natin ang ating pagka-Filipino, tayo ay may malalim na pananampalataya para sa ating Diyos at mayroon tayong malalim na pag-asa na tayo ay magkaroon ng kalayaan sa ating buhay.” Bishop Bagaforo sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na bukod sa pananalangin ng pagpapasalamat sa Panginoon ay mahalaga rin ang patuloy na paninindigan at pagpapatatag sa dangal at demokrasya ng Pilipinas bilang paraan ng pag-alala sa mga bayani.
“Ngayong Araw ng Kagitingan ang panawagan natin ay unang-una ay itayo natin ang ating dangal bilang mga Filipino at pangalawa alalahanin natin na magpasalamat sa Diyos at sa ating mga kababayang nag-alay ng kanilang buhay sapagkat ang kanilang buhay ay naging pag-asa ng ating demokrasya, ng ating buhay na marangal at higit sa lahat ay ng bayang malaya at isang bayang malalim ang pananampalataya sa Diyos.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Ang Araw ng Kagitingan o Day of Valor ay isa ring pag-alala sa tinaguriang Bataan Death March kung saan sapilitang pinaglakad ng mga Hapon ang mga Filipino at Amerikanong sundalo na tinaguriang mga ‘prisoners of war’ mula Bataan hanggang San Fernando, Pampanga.
Batay sa tala, mula sa mahigit 75-libong Filipino at Amerikanong sumuko sa mga Hapon, nasa 5 hanggang 10-libo sa mga ito ang nasawi dahil sa naranasang kalupitan bukod pa sa gutom at sakit.