1,344 total views
Mga Kapanalig, umiigting ang red-tagging sa bansa ngayon. Ang red-tagging ay ang pag-akusa sa mga indibidwal at organisasyon bilang subersibo, komunista, at terorista. Ginagamit itong estratehiya ng mga tagapagpatupad ng batas at militar, ganoon na rin sa social media, laban sa mga itinuturing na banta at kalaban ng gobyerno.
Kamakailan lamang, naging kontrobersiyal ang memorandum na inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino (o KWF) na nagpapahinto sa pag-imprenta at distribusyon ng limang aklat ng itinuturing nitong subersibo. Sinulat ang mga librong ito ng mga manunulat na ni-red-tag ng mga hosts sa isang YouTube video ng Sonshine Media Network International (o SMNI). Maraming akademiko at manunulat ang kumundena sa video ng SMNI at memo ng KWF na nilagdaan lamang ng dalawa sa labing-isang commissioners nito. Hindi kasama si KWF Chairperson Arthur Cassanova sa mga pumirma sa memo. Sa hiwalay na pahayag, itinanggi niya ang mga akusayong subersibo ang mga libro. Dagdag pa niya, delikado ang akusayong ito dahil maaaring sinisiil nito ang malalayang pamamahayag at academic freedom.
Noong isang linggo naman, pinuna ng historian na si Dr. Ambeth Ocampo ang isang netizen na ni-red-tag ang National Historical Commission of the Philippines (o NHCP). Inakusahan ng netizen na “communism indoctrination” daw ang ginagawa niyang keynote address sa isang pagtitipong inorganisa ng NHCP. Ikinadismaya ito ni Dr. Ocampo na una nang dinumog ng trolls nang punahin niya ang pagkukumpara ng isang aktres sa kasaysayan at tsismis. Ipinaliwanag din niyang ang NHCP ay isang ahensya ng gobyernong itinataguyod ang ating kasaysayan. Hindi ito komunista o teroristang organisasyon.
Dagdag pa sa mga ito, kinasuhan ng Department of Justice (o DOJ) ang labing-anim na indibidwal, kasama ang ilang madre, dahil sa diumano’y pagpondo nila sa mga teroristang grupo. Batay ang akusasyon sa testimonya ng dalawang dating rebelde raw. Ayon sa mga nagpapakilalang testigo, sumulat daw ng proposals ang mga madre sa mga foreign funders upang pondohan ang mga teroristang gawain sa bansa. Kinundena ng Samahang Layko ng Pilipinas, Student Christian Movement of the Philippines, at human rights groups ang ginawa ng DOJ. Para sa kanila, minadali raw ang kaso at hindi nabigyan ng pagkakataon ang mga akusadong depensahan ang kanilang mga sarili.
Naniniwala ang Simbahang ang kalayaan (o freedom) ay tanda na ang tao ay nilikhang kawangis ng Diyos. Ang pagiging malaya ay mahalagang bahagi ng dignidad ng isang tao. Hindi ito nangangahulugang pwede nang gawin ng isang tao ang anumang gustuhin niya. Bagkus, sa pananaw ng Simbahan, ang kalayaan ay nakatuon sa pagpapayaman sa ugnayan ng mga tao at ng kanilang komunidad. Nakaugat naman ang kalayaan sa katotohanan at katarungan. Mahalaga ang kalayaan sa pagtataguyod sa dignidad ng tao dahil sa pamamagitan nito, naisasabuhay natin ang ating bokasyon at nalalaman natin ang katotohanan. Bahagi ng kalayaan ng tao ang pagtakwil sa masasamang nangyayari sa kanyang lipunan.
Delikado ang malawakang red-tagging, hindi lamang para sa kaligtasan ng mga indibidwal at organisasyong inaakusahaan kundi pati sa ating kalayaan. Nililimitahan ng red-tagging ang mga maaaring mabasa, sabihin, at gawin ng mga mamamayan. Niyuyurakan ng red-tagging ang ating dignidad dahil pinipigilan nito ang ating paglago bilang mga tao. Salungat din ito sa prinsipyo ng katarungan dahil hindi nakabatay ang mga akusasyon sa tamang ebidensya.
Mga Kapanalig, katulad ng sinasabi sa Galacia 5:13, tinatawag tayo upang maging malaya at gamitin ang kalayaang ito upang maglingkod sa isa’t isa sa diwa ng pag-ibig. Kung patuloy na lalaganap ang red-tagging ngayon, kailangan natin itong tapatan ng sama-samang pagtutol dito. Bahagi ito ng paninidigan para sa ating dignidad, kalayaan, katarungan, at pag-ibig sa isa’t isa.