1,139 total views
Mga Kapanalig, noong isang linggo ay pinaslang ang mamamahayag na si Percival Mabasa na mas kilala bilang Percy Lapid. Binaril siya habang nasa loob ng kanyang sasakayan, ilang kilometro lamang mula sa kanyang bahay sa Las Piñas. Si Percy Lapid ay tanyag sa matatapang niyang komentaryo laban sa war on drugs ng nakaraang administrasyon, at sa mga isyu ng katiwalian, kasinungalingan, at red-tagging ng kasalukuyang administrasyon. Batay sa CCTV footage, riding-in-tandem ang mga suspek. Dalawang bala ang direktang tumama sa bandang tainga ni Mabasa na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Kahit hindi pa nakukumpirma sa mga imbestigasyon kung may kaugnayan sa kanyang trabaho bilang mamamahayag ang motibo ng pagpaslang, ipinagpapalagay na ng Philippine National Police (o PNP) na ito ang kaso. Ayon sa National Union of Journalists in the Philippines (o NUJP), si Mabasa ang ika-197 na mamamahayag na pinaslang sa bansa mula noong 1986 at ikalawa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Dagdag pa ng NUJP, hindi bababa sa 99 sa mga pinaslang na media workers ay mga mamamahayag sa radyo katulad ni Mabasa. Para kay Barnaby Lo, pangulo ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, bagamat lahat ng pagpatay sa mga mamamahayag ay kailangang kundenahin, higit na nakababahala ang pagpaslang kay Mabasa dahil karaniwang nangyayari ang pagpaslang sa mga probinsya. Ang pagpaslang kay Mabasa ay nangyari sa isang malaking siyudad, sa loob pa mismo ng isang gated subdivision
Labis na nagdadalamhati ang pamilya ni Mabasa, ang mga mamamahayag sa bansa, at ng mga naniniwala sa importansya ng pamamahayag at katotohanan sa isang demokratikong lipunan. Naniniwala ang pamilya ni Mabasa na ang pagpaslang sa kanya ay hindi lamang krimen laban sa kanya, sa kanilang pamilya, o sa kanyang propesyon, ngunit laban sa ating bayan at sa katotohanan. Para sa NUJP, ang nangyari kay Mabasa ay patunay na ang pamamahayag ay nanatiling isang delikadong propesyon sa bansa. Anila, ang krimeng nangyari sa Metro Manila ay senyales ng tapang ng mga nasa likod ng pagpatay at kabiguan ng mga awtoridad na protektahan ang mga mamamahayag at ordinaryong mamamayan mula sa karahasan.
Nanawagan naman si Alliance of Concerned Teachers Representative France Castro sa Kongreso at sa Commission on Human Rights (o CHR) na imbestigahan ang pagpaslang. Aniya, ang pagsasabi ng katotohanan sa Pilipinas ay kadalasang nauuwi sa red-tagging o ‘di kaya ay sa pagpaslang, isang indikasyon ng tumitinding impunity sa bansa. Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng CHR at PNP ang pagpaslang kay Mabasa.
Naniniwala ang Simbahang tamang impormasyon ang isa sa mga pangunahing instrumento ng taumbayan upang makilahok sa demoktratikong pamamahala. Kailangang batay sa malalim na pag-unawa sa pulitikal na kalagayan ng bansa at sa totoong impormasyon ang pakikilahok na ito ng taumbayan. Mahalaga ang papel ng media—kasama ang mga mamamahayag—sa pagtataguyod ng kabutihang panlahat o common good. Bilang mga tagapaghatid ng impormasyon, ang mga mamamahayag ay kaagapay sa pagbubuo ng isang makatotohanan at makatarungang lipunan.
Sinasabi sa Juan 8:32, “ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Paano tayo ganap na magiging malaya sa gitna ng mga pagpatay sa mga tagapagtaguyod ng katotohanan sa ating bayan? Kailanman, hindi magiging tama ang pagpatay upang patahimikin ang mga kritiko. Ito ay malinaw na pagyurak sa dignidad ng tao at sa katotohanang ipinaglalaban nila. Hindi natin makakamit ang katotohanan, gayundin ang ganap na kalayaan, kung magpapatuloy ang pagdanak ng dugo ng mga mamamahayag.
Mga Kapanalig, samahan natin sa pananalangin ang pamilya ni Percy Lapid para sa katahimikan ng kanyang kaluluwa at nang makamit nila ang hustisya. Manawagan tayong mahinto na ang patayan sa bansa, lalo na ang mga pagpatay na ang target ay ang mga mamamahayag na ginagawa lamang ang kanilang trabaho.
Sumainyo ang katotohanan.