628 total views
Mga Kapanalig, muli na namang nadagdagan ang mahabang listahan ng mga mamamahayag na pinaslang sa ating bansa. Noong isang linggo, pinatay sa Calapan City, Oriental Mindoro si Cresenciano “Cris” Bunduquin, limampung taong gulang na radio journalist sa probinsya. Kilala si Bunduquin sa pagtalakay ng maiinit na isyu sa Mindoro. Ilan sa mga huling tinalakay ni Bunduquin sa kanyang programa ay ang oil spill mula sa MT Princess Empress, mga iligal na pasugalan, at lokal na pulitika. Nabanggit na raw ni Bunduquin sa manager ng istasyon kung saan siya nagtatrabaho na may banta talaga sa kanyang buhay. Sa katunayan, plano sana ni Bunduquin na magpahinga sa pamamahayag at magnegosyo muna.
Binaril si Bunduquin ng riding-in-tandem na mga suspek bandang alas-kwatro ng madaling araw noong Miyerkules. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, hinahanap pa ng mga pulis ang suspek na bumaril mismo kay Bunduquin habang napatay naman ang nagmamaneho ng motorsiklo. May inihandang limampung libong pisong pabuya ang Presidential Task Force on Media Security sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa suspek.
Ang National Union of Journalists in the Philippines (o NUJP) ay nakapagtala na ng animnapung kaso ng paglabag sa karapatan ng mga mamamahayag sa bansa mula Hunyo 2022 hanggang Abril ngayong taon. Kasama rito ang pagpatay kina Rey Blanco, mamamahayag mula sa Negros Oriental, at Percy Lapid, mamamahayag mula sa Las Piñas. Si Bunduquin ang ikatlong mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Patunay ang mga kasong ito na sa kabila ng pagtaas ng ranggo ng Pilipinas sa World Press Freedom Index—na nasa 132 sa 180 bansa ngayong taon mula sa 147 noong 2022—ay nananatiling peligroso ang bansa para sa mga mamamahayag. Para kay Jonathan de Santos, chairman ng NUJP, dapat mapanagot ang mga maysala sa mga pagpaslang sa mga journalists. Magpapatuloy ang mga pagpatay kung hindi mabibigyang hustisya ang mga biktimang mamamahayag. Sa katunayan, batay sa 2022 Global Impunity Index ng Committee to Protect Journalists (o CPJ), isang organisasyong nagsusulong sa karapatan ng mga mamamahayag, pampito ang Pilipinas sa buong mundo sa mga bansang bigong gawaran ng hustisya ang mga pinatay na mamamahayag. Mula Setyembre 2012 hanggang Agosto 2022, nakapagtala ang CPJ ng labing-apat na kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag na nananatiling unsolved.
Malinaw sa sampung utos ng Diyos mula sa Exodo 20:12: “Huwag kang papatay.” Walang sinuman ang may karapatang bawiin ang buhay ng kanyang kapwa. Batay ang kautusang ito sa hindi matatanggal na dignidad ng taong mula sa pagmamahal ng Diyos. Kaya naman, importanteng mapanagot ang mga walang habas na pumapatay sa mga mamamahayag—mga mamamahayag na nagsisigurong nakakamit natin ang tamang impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa ating mga komunidad at lipunan. Itinuturo ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang kahalagahan ng impormasyon sa ating aktibong pakikilahok sa pamamahala. Kailangan natin ng impormasyong batay sa katotohanan, kalayaan, at katarungan.
Ang pagpaslang sa mga mamamahayag ay hindi lamang pagyurak sa kanilang dignidad. Pagkakait din ito sa mga mamamayan ng kanilang karapatan sa tamang impormasyon. Ayon nga kay Pope Francis sa isa niyang panayam kasama ang mga mamamahayag noong 2019, kailangan natin ng mga mamahayag na titindig sa tabi ng mga biktima, ng mga inaapi, at ng mga isinasantabi. Samakatuwid, ang pagpatay sa mga mamamahayag ay lantarang pang-aabuso sa ating lahat bilang isang komunidad at lipunan, lalo na sa mga nasa layalayan ng ating lipunan.
Mga Kapanalig, walang puwang ang pagpatay sa mga mamamahayag at ang pagtatago ng tamang impormasyon sa magandang plano ng Diyos para sa atin. Manawagan tayo sa kinauukulang umaksyon upang matigil na ang pagpatay sa mga mamamahayag.
Sumainyo ang katotohanan.