78,948 total views
Mga Kapanalig, kabi-kabila ngayon ang naririnig nating pambabastos sa kababaihan sa pangangampanya ng mga pulitiko. Parang angkop na tawagin silang trapo—hindi dahil traditional politicians sila, kundi dahil sa maruming pamamaraan nila ng pagsuyo sa mga botante. Binabastos nila ang mga babae.
Isa sa mga kandidatong ito ay isang abogadong tumatakbo sa pagkakongresista sa Pasig City. Nakatanggap na siya ng show cause orders mula sa Commission on Elections (o Comelec) dahil sa dalawang beses na pambabastos sa kababaihan. Sa unang pagkakataon, biniro niya ang solo mothers na kung may buwanang dalaw pa raw sila at nalulungkot, puntahan lamang daw siya para makipagsiping. Magpalista lang daw ang mga interesadong solo mothers. Kitang-kita sa video na nag-viral online ang tawanan ng mga kapartido ng kandidato at ng mga nanunuod sa kampanya; siguro may mga kinilabutan din.
Agad itong binatikos ng mga women’s groups at advocates. Minamaliit daw ng mga ganitong biro ang pinagdaraanan ng mga solo mothers. Nagsampa ng reklamo ang Gabriela, isang grupo ng kababaihan, sa Korte Suprema ukol dito. Hinimok ng Gabriela ang Mataas na Hukuman na pag-aralan at aksyunan ang nangyari. Giit ng grupo, unethical ang naging biro ng kandidato at maituturing iyong paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability ng Korte Suprema sa mga abogado.
Kasunod nito, sa isa na namang campaign event, dinipensehan ng kandidato ang kanyang unang biro. Tinawag niya ang isang babaeng dati raw niyang staff. Nagkomento siya sa timbang ng babae at ginamit ito para pabulaanang “manyak” siya. Kukuha raw ba siya ng tauhang ganoon ang itsura? Sa pangawalang pagkakataon, hindi pa rin nakita ng abogado na porma ng pambabastos sa kababaihan ang magbigay-komento sa kanilang katawan at pagturing sa kanila bilang mga bagay na pwedeng gamiting tampulan ng biro.
Katulad ng kandidato sa Pasig, nagbigay din ng malisyosong komento sa kababaihan ang isang tumatakbo sa pagkagobernador. Pangalawang termino na niya kung sakali. Aniya, tanging magagandang nursing students lamang daw ang bahagi ng scholarship program ng kanyang opisina. Hindi raw kasi makatutulong sa kundisyon ng mga pasyente kung hindi maganda ang kanilang nars. Binatikos din ng marami, kasama ang Philippine Nurses Association, ang biro ng gobernador.
Ayon sa Genesis 2:18, “Sinabi ng Panginoong Diyos, hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa, kaya ilalalang ko siya ng katuwang.” Nilikha niya ang babae at lalaki nang may pantay na dignidad. Magkaiba ngunit kapwa nilikha sa imahe ng Diyos. Walang isang nakahihigit sa isa. Nilikha ang mga babae bilang katuwang. Katulad ng paalala ni St. John Paul II sa Catholic social teaching na Mulieris Dignitatem, ang kababaihan ay hindi mga “bagay” na maaaring “pagharian” at “angkinin” ng kalalakihan. Sila ay may dignidad. Ang pagyurak sa dignidad na ito ay tahasang pambabastos sa Diyos na lumikha at pinagmumulan ng dangal na ito.
Dahil dito, walang lugar dapat sa ating mga pambulikong espasyo, lalo na sa pamamahala at pulitika, ang mga bastos na kandidato at lingkod-bayan. Hindi dapat tinatawanan ang mga birong batay sa hitsura at kasarian. Salamin ng ating mga paghahalaga ang mga birong katanggap-tanggap sa atin. Higit sa lahat, hindi dapat ibinoboto ang mga kandidatong walang paggalang sa kababaihan sapagkat salamin din ng ating mga prinsipyo ang ating mga iniluluklok.
Mga Kapanalig, sa dami ng isyung kinakaharap ng ating bayan, katulad ng kahirapan at kagutuman, napakaraming bagay ang dapat pag-usapan sa kampanya. Gamitin natin ang pagkakataong ito upang kilalanin at kilatisin ang mga kandidato at upang humanap ng mga lider na tunay na magsusulong ng kaunlaran. Sitahin natin ang mga kandidato at lider na ginagamit ang kanilang boses para mambastos, lalo na sa mga babae.
Sumainyo ang katotohanan.