633 total views
Regularization at pagwawaksi sa contractualization upang makatanggap ng pantay na benepisyo at kita ang bawat manggagawa.
Ito ang patuloy na pananalangin at apela ni Father Eric Adoviso – Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern (AMLC) Minister sa Pamahalaan at bawat employers sa Pilipinas.
Ayon sa Pari, patuloy din ang kaniyang pananalangin na makabalik na sa trabaho ang mga manggagawang naapektuhan ang kabuhayan ng kasalukuyang krisis ng pandemya.
Ito ay kasabay nang pagkilala sa pagkaluging nararanasin din ng mga namumuhunan.
“Unang-una ang aking panalangin ay sana yung mga manggagawa ay magkaroon ng trabaho na ulit makabalik na sila, oo kinikilala natin na lugi ang mga namumuhunan kinikilala natin lahat yan at ating tinatanggap yan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas sa Pari.
Umaasa si Father Adoviso na hindi lamang ang pamamahagi ng financial assistance ang makitang tugon ng pamahalaan tuwing makakaranas ng lockdowns at krisis ang bawat negosyo at establisyemento.
“Pinagdadasal ko na sana magkaroon ng win-win solution sa pagitan ng manggagawa at ng namumuhunan ganun din bigyan din ng gobyerno ng sapat na kapital yung maliliit nating negosyante at ganun yung manggagawa naman hindi naman yan puro ayuda lang,” ayon sa Pari.
Pagbabahagi ni Father Adoviso, bukod sa ayuda na panandaliang solusyon lamang ay maari ding ilunsad ng pamahalaan ang mga training programs at pamamahagi ng puhunan sa maliliit na negosyo na isang pang-matagalan na hakbang at tulong sa sektor.
“Hindi naman ang gawin lang ng gobyerno ay ayuda kung hindi gumawa ng paraan paano matutulungan yung ating mga manggagawa na makahanap ng trabaho, bigyan ng puhunan, magkaroon ng training kasi yung limang kilong bigas hindi naman sasapat yun, mauubos din yun kaya ang pinakamahalaga magkaroon ng training, puhunan kung kinakailangan alam ko marami ng utang ang ating pamahalaan pero mas maganda na tayo ay maging proactive,” ani Father Adoviso.