189 total views
Marapat na magkaisa ang sambayanan sa ikauunlad ng bansa.
Ito ang binigyang diin ni Novaliches Bishop Antonio Tobias kaugnay sa tila pagkahati – hati ng mamamayan sa mga kinakaharap na usaping panlipunan.
Ayon sa Obispo, lahat tayo ay mga Filipino kaya’t tungkulin nating i-angat ang Pilipinas.
“Magkakaiba man ng grupo yellow o red dapat magtulungan para maitatag ang magandang Pilipinas.” pagninilay ni Bishop Tobias.
Binigyang diin ng Obispo ang kahalagahan ng pagkakasundo ng bawat isa upang makamit ang pagkakaisa at iiral ang kapayapaan sa bansa.
Sa kasalukuyan, tinatawag na “Dilawan” ang oposisyon o ang mga taong pumupuna sa mga maling polisiya na ipinatutupad ng administrasyong Duterte partikular na ang marahas na pamamaraan sa pagsugpo ng iligal na droga.
Ang pagninilay ni Bishop Tobias ay naaayon sa pagdiriwang ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ng taon ng mga Pari, Relihiyoso at yaong mga nagtatalaga ng buhay sa Panginoon bilang isang hamon hindi lamang sa kanilang hanay kundi maging sa mga layko at bawat mananampalataya.
Dahil dito, hinimok ang bawat mananampalataya na magkaisa sa iisang hangarin na isulong ang pag-unlad ng bansa.
Una nang hinimok ni Pope Francis ang mamamayan na suportahan at ipanalangin ang bawat namumuno sa lipunan sa kabila ng pagkakaiba ng paniniwala at pananampalataya.