329 total views
Nagpahayag ng suporta ang Diocese of Kalookan sa mga nagsusulong ng community pantries na kinukundina at iniuugnay sa mga komunistang grupo sa kabila ng mabuting layunin nito ngayong panahon ng pandemya.
Sa pagninilay ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, binigyang diin ng Obispo na siya ring Vice President ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na hindi dapat pagdudahan o iugnay sa Communist Party ang mga Community Pantry na mayroong malinaw na prinsipyo o simulain na isulong ang pagpapamalas ng Bayanihan sa malawak na epekto ng pandemya sa bansa.
Ayon kay Bishop David, ang naturang mga community pantry ay hindi lamang basta pagkakawanggang-gawa sa mga nangangailangan kundi nagsusulong rin ng pagtutulungan at pagkakaisa sa gitna ng pandemya.
“It’s COMMUNITY, not COMMUNIST. It’s PANTRY, not PARTY. The principle is: Share what you can; take what you need, a simple expression of our Bayanihan spirit. The couple who started it explained it well. It is “not charity but mutual aid.” We are responsible for one another.” pagninilay ni Bishop David.
Ipinaliwanag ni Bishop David na napapanahon ang prinsipyo at layunin ng mga community pantry kung saan humaharap ang bansa sa malakawak na krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Pagbabahagi ng Obispo, higit na kailangan ng bayanihan at pagtutulungan ng bawat isa upang mapagaan ang pinagdadaanan ng mga higit na apektado ng pandemya kabilang na ang mga nawalan ng hanapbuhay at mapagkakakitaan gayundin ang mga dukha na higit na nahihirapan.
“This principle has never been more timely than now that we are in a global and national state of calamity caused by Covid19. Economies are in a state of meltdown. Business enterprises are folding up, millions of people are losing their jobs and their sources of livelihood. And obviously, the ones who are bound to suffer the most in times like these are the poor, those who live a hand-to-mouth existence.” Dagdag pa ni Bishop David.
Sa isa pang hiwalay na Facebook post, iginiit ni Bishop David na hindi krimen ang pagsasagawa ng mga Community Pantry sa halip ay pagpapamalas ng bayanihan ng taumbayan upang matugunan ang pangangailangan ng kapwa.
Ang naturang pahayag ng Obispo ay kasunod ng red-tagging at profiling ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa mga organizers ng community pantries partikular na kay Ana Patricia Non na nagpasimula ng Maginhawa Community Pantry noong ika-14 ng Abril, 2021.