9,161 total views
Ito ang mensahe ni Fr. Euginius Cañete, MJ makaraang italaga ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang obispo ng Diocese of Gumaca sa Quezon.
Bagamat may mga agam-agam sa mas malaking misyon ipinagkatiwala ni Bishop-elect Cañete sa Panginoon ang paggabay upang magampanan ang tungkuling pagpastol sa diyosesis.
Naniniwala ang bagong obispo na makatutulong ang kanyang halos tatlong dekadang karanasan bilang misyonero sa gawaing pagpapastol sa halos isang milyong katolikong nasasakop ng diyosesis.
“I was happy but I was kind of surprised but always at the back of my mind naman, that’s another call. So, it’s always a call to service, and for that, I am ready,” pahayag ni Bishop-elect Cañete sa Radio Veritas.
Sinabi pa ng pari na hindi pa nito napupuntahan ang Gumaca kaya’t ito ay panibagong hamon sa misyon na kanyang kakaharapin gayundin ang pag-aaral sa kasaysayan, kabilang na ang facts and figures ng lugar at diyosesis.
Gayunpaman sa tulong ng kanyang karanasan sa mga lugar tulad ng Zambia at Africa kung saan ito nagmisyon nang ma-ordinahang misyonerong pari ng Congregation of the Immaculate Heart of Mary (CICM) at kalauna’y sa itinatag na Missionaries of Jesus ay mapagtagumpayan nito ang pagpapastol sa lugar.
“I don’t know really Gumaca because I have not been there…It must be very challenging, iniisip ko I started as a missionary, I was sent to a place unknown to me, to be there is a sense of mission. So, that kind of orientation, perspective has made me realize that this will be another world unknown to me,” ani Bishop-elect Cañete.
Tiniyak din nitong sa pagpapastol ay isabuhay ang diwa ng pakikiisa sa lahat ng nasasakupan lalo na ang mga maliliit at mahihinang sektor ng lipunan alinsunod sa panawagan ni Pope Francis ‘to be at the peripheries.’
Sinabi rin nitong ipagpatuloy ang mga nasimulang programa at mas paigtingin ang aktibong pakikilahok ng bawat isa sa paglalakbay ng simbahan.
“One of the things I will probably do there is to animate the ministries that are already set up in the diocese and to animate the clergy, to be with the people of God. I will have to really reach out to people because that’s the synodal way of the Church,” ani ng bagong halal na obispo.
September 30 nang inanunsyo ng Vatican ang paghirang kay Bishop-elect Cañete bilang kahaliling obispo kay Bishop Victor Ocampo na pumanaw noong March 2023.
Ipinanganak ang pari sa Mandaue City sa lalawigan ng Cebu noong 1966, nagtapos ng kursong psychology sa University of St. La Salle sa Bacolod City bago ipinagpatuloy ang kanyang philosophical at theological studies sa Maryhill School of Theology sa Quezon City.
Naordinahang pari ng CICM noong 1995 at kumuha ng licentiate degree ng canon law sa Pontifical Gregorian University sa Roma noong 2003.
Bukod sa founding member ng Missionaries of Jesus si Bishop-elect Cañete rin ang kasalukuyang coordinator general ng kongregasyon habang nagtuturo rin ito sa iba’t ibang institusyon kabilang na ang Recoletos School of Theology, Institute of Formation and Religious Studies, Inter-Congregational Theological Center, at Saint Vincent School of Theology.
Kasapi rin ito ng Catholic Theological Society of the Philippines at Canon Law Society of the Americas.