317 total views
Likas na katangian ng mga Pilipino ang pagiging malapit sa mga bata.
Ito ang pagninilay ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol o mas kilala rin bilang Kapistahan ng Santo Nino.
Ayon sa obispo, ang kultura at katangian ng mga Pilipino bilang mapagmahal sa mga bata ang sumasalamin kung bakit ang buong Pilipinas ay mayroong masidhing debosyon sa Mahal na Santo Nino.
“Mapagmahal at mapag-alaga tayo sa mga bata. Nakikita natin ang mga bata na regalo ng Diyos at ito ay iniingatan natin,” pagninilay ni Bishop Pabillo.
Sinabi naman ni Bishop Pabillo na dahil sa udyok ng lipunan, mas bumababa ngayon ang tingin sa mga bata at itinuturing na sagabal sa pagkakaroon ng kaligayahan at kalayaan.
Dahil dito, hinihimok ng obispo ang bawat isa na patuloy lamang na pahalagahan ang mga bata at tingnan bilang mahalagang biyaya mula sa Diyos.
“Kaya huwag tayo magpadala sa kaisipan na ang bata ay sagabal sa ating kaligayahan at kalayaan. Huwag natin silang tingnan bilang gastos. Tingnan natin sila bilang biyaya at sila ang nagbibigay ng lakas ng loob sa atin,” ayon sa Obispo.
Unang lumaganap ang debosyon ng mga Pilipino sa Santo Nino nang dalhin ni Ferdinand Magellan kasama ang iba pang kastila, ang pananampalatayang Kristiyano sa Cebu noong 1521.
Ang Santo Nino ang isa sa mga simbolo ng pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.