276 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga kabataan na iwaksi ang diskriminasyon sa kanilang kapwa.
Ito ay inihayag ng Kardinal sa pagtitipong Usapang Totoo at Katoto na inorganisa ng Archdiocese of Manila Commission on Youth sa San Isidro Catholic School sa Pasay City.
Sinabi ni Cardinal Tagle na ang lahat ng tao ay may ugali na nanghahamak o nanghuhusga sa kapwa na maaring maitutuwid kung titingnan nito ang kapwa bilang kaniyang kawangis.
“Kapag sinabing discrimination may mga iba-ibang pagpapakita yan. Lahat tayo may tendency na mag discriminate. Ang laban sa discrimination ay, nakikita ko ba na ang kaharap ko ay tao, nilalang na kawangis ng Diyos, may dangal, may karapatan at kawangis ko?” pahayag ni Cardinal Tagle.
Iniugnay pa ito ng Kardinal sa mga dumaraan sa gender crisis o ang mga sinasasabing miyembro ng LGBT Community.
Ipinaliwanag nito na ang mga taong ito ay kawangis rin ng Panginoon, at marapat na itigil na ang pag-label o pag-uuri sa kanila.
Naniniwala ang Kardinal na sa pagtanggap ng simbahan sa mga LGBT ay maitataguyod ng mga ito ang moralidad at dangal ng bawat tao na kawangis ng Diyos.
Umaasa si Cardinal Tagle na sa tulong din ng simbahan ay matuklasan ng LGBT ang kanilang tunay na bokasyon, at naniniwala itong makatutulong ang talento ng mga ito sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.
“LGBTQ siguro minsan nandyan din ang limitasyon, nilalagyan natin ng labels, at kapag nalagyan ng labels nakakalimutan nating tao, at kapag tao tinatawag siya na i-develop ang mga God given na buhay, dangal at talino para mkapag lingkod sa buhay, sa kapwa, at sa Diyos. Ang hamon ay i-discover ang pagiging tao kapag nakuha ang bokasyon bilang tao hindi ka gagawa ng nakasisira sa kapwa, sa Diyos, at sa lipunan. Kapag alam mo ang boakasyon mo ano man ang talents mo, uniqueness mo, gagamitin mo yun sa Diyos, hindi mo yun gagamitin sa kasiraan mo, ng kapwa mo, at ng lipunan.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle
Matatandaang ang buwan ng Hunyo ay tinawag na pride month ng LGBT community.
Nananatili naman ang paninindigan ng Simbahang Katolika sa pagsasabuhay ng “chastity” o kalinisan, at ang pagpapakasal lamang ng babae at lalaki.
Bilang pagtugon rin dito, inilabas ng Congregation for the Catholic Education sa Vatican ng dokumentong may titulong “Male and Female He Created Them.”
Umaasa ang simbahan na sa pamamagitan nito ay magagabayan ang bawat kabataan, mga pamilya, at ang buong lipunan kung paano lubos na mauunawaan ang katotohanan sa sekswal na oryentasyon ng mga lalaki at babae.