1,394 total views
Ito ang panawagan ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa mananampalataya ngayong panahon ng Kuwarema.
Ayon sa obispo, isang paraan ng pag-aayuno ay ang pagpipigil sa pagbili ng mga bagay na hindi naman kinakailangan
Paliwanag ni Bishop Pabillo na isang dahilan ng pagkasira ng ating kalikasan ay ang ‘Throwaway culture’ kung saan nakikita ang lahat bilang bagay na napapalitan, itinatapon at pansamantala lamang.
Sa ganitong pag-uugali ayon sa obispo ay dumarami ang nalilikhang basura na siyang nakasasama sa kalikasan.
“Marami tayong tinatapon kasi marami tayong binibili. Kaya dapat kalabanin natin ang consumerism. ‘Yung pagbibili sa mga bagay na hindi naman natin kailangan. Kaya dapat natin kalabanin ang consumerism,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng obispo na sa halip na bumili ng mga bagay na hindi kinakailangan ay itulong na lamang ito sa mga nangangailangan bilang pag-aayuno na rin ngayong panahon ng Kuwaresma.
Sang-ayon din ito sa pahayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na ‘Consumerism is the enemy of generosity’.
Una na ring inanyayahan ni Bishop Pabillo ang mga mananamapalataya na tumugon sa panawagan ng pagkakawanggawa ngayong panahon ng Kwaresma. (Cindy Gorospe)