578 total views
Kailangang iwaksi ng bawat isa ang pagiging individualistic o ang pagigiging makasarili.
Sa halip, hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na buhayin ang patuloy na pakikipag-ugnayan na siyang ipinakitang ehemplo ni Hesus at ni Maria.
“At dahil lahat ay kapatid ko kay Kristo, Nanay ko kay Kristo, Tatay ko kay Kristo, dadamay ako, tutulong ako, maglilingkod ako. Ang mundo natin ngayon ay nagiging individualistic. Ano ang ibig sabihin ng individualistic? Putol tayo nang putol ng ugnayan hanggang nag-iisa na lang ako. Wala naman akong kaugnayan sa iyo. Kaya ang pinaglilingkuran lang natin ang sarili ko. Ang dinadamayan lang natin sarili ko. Ang itinataguyod lang natin sarili ko…” bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle na ginanap sa San Rafael Parish, Balut Tondo.
Ipinaliwanag ng Kardinal na tayong lahat ay magkakapatid kayat nararapat lamang ang pagkakaroon ng ugnayan, pagtutulungan, pagdadamayan maging ito man ay sa panahon ng pagdiriwang at pagdadalamhati.
“Sinasabi ni Hesus na mayroong ugnayan na higit pa sa ugnayan ng dugo, at ano yung ugnayan na yan, ugnayan ng pananampalataya. Lahat ng tao ay kapatid natin. Lahat ng kapwa binyagan ay kapwa tao natin,” ayon kay Cardinal Tagle.
Ayon kay Cardinal Tagle, higit sa lahat ay dapat na magdamayan lalu na sa pangangailangan upang maiibsan ang lungkot at hirap na nararanasan ng kapwa kung maipaparamdam natin sa bawat isa ang pagkalinga.
Dagdag pa ni Cardinal Tagle, ang katangiang ito ang tunay na pagiging Pilipino na namulat sa pundasyon ng ating pananampalataya at tagasunod ni Kristo.
Ipinaalala ng Kardinal na huwag tayong maging buhay na patay.
Pinayuhan ni Cardinal Tagle ang lahat na itigil na ang kawalan ng pakialam sa kapwa.
“Alam po ninyo ang kamatayan ay nangyayari kapag nawalan lang ng hininga. May mga tao sa mundo ngayon, humihinga pa, malakas ang katawan pero para na ring patay. Bakit? Dahil, nag-iisa sa kalungkutan, walang dumadamay, walang kumikilala na sila ay kamag-anak. Tama na yung di ko naman yan kabarangay, hindi ko yan kagrupo, wala akong kaugnayan sa kanya, tama na ‘yan!” Sa karanasan ng bansa partikular ang typhoon Yolanda ay nagkaisa hindi lamang ang mga Pilipino kundi maging international communities sa pagtulong sa mga biktima ng bagyo, at maging ang nangyayaring digmaan sa Marawi City ay nagdamayan din ang mga Pilipino sa pagtulong at pagkalinga – maging sa mga taong magkaiba man ang pananampalataya.”pahayag ni Cardinal Tagle