210 total views
Naging emosyonal ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga ibinahaging kwento ng mga kabataan sa programa ng Manila-Archdiocesan Commission on Youth na Usapang Totoo at Katoto (UTAK) na ginanap sa Nazarene Catholic School.
Tatlong kabataan ang naglahad ng kanilang buhay at kung paano nila kinakaharap ang mga pagsubok sa murang edad pa lamang.
Irish Callao-Parish Youth Ministy, San Jose de Trozo
Si Callao ay isang scholar ng Caritas Manila at mag-aaral sa Unibersidad de Manila sa kursong Mass Communication major in Journalism na tuwinang nakakaranas ng diskriminasyon dahil sa pagiging maliit o pandak.
Dahil dito, malimit siyang minamaliit ng ibang mga tao, subalit natagpuan niya at naranasan ang pagmamahal ng isang pamilya sa grupo ng mga kabataang naglilingkod sa simbahan.
Aniya, ang mga pagsubok sa buhay, at kapintasan sa pisikal na katangian ay hindi naging hadlang upang makapaglingkod siya sa Panginoon, at makahanap ng mapagmahal na komunidad na maituturing nitong pamilya.
Allisah Nina Luz Banaobra-finalist ng The Voice Philippines at Top 11 sa X-Factor UK
Ibinahagi ni Banaobra na sa kabila ng kahirapan, at pangmamaliit sa kan’ya ng mga katunggali sa kumpetisyon ay nanalig lamang ito sa Panginoon na balang araw ay matutupad ang kan’yang pangarap na maging isang mang-aawit.
Van Jover Telebrico ng Parish Youth Ministry sa Santa Cruz Parish
Isang mag-aaral mula sa Unibersidad de Manila sa kursong Public Administration na nakaranas mga pagsubok sa murang edad pa lamang kabilang na dito ang tangkang pagpapakamatay ng nakatatanda nitong kapatid.
Nagpapasalamat si Telebrico sa Panginoon dahil nabuhay at maayos na ang kalagayan ng kan’yang kapatid subalit hindi pala dito nagtatapos ang pagsubok sa kan’ya dahil siya din ay nakulong sa bilangguan at nakalaya sa pamamagitan na rin ng tulong mula sa PYM.
Bilang aral, sinabi nito sa kapwa niya kabataan na ang mga pagsubok na ibinibigay ng Panginoon ang lalo pang nagpapalakas sa kan’ya.
Bagamat nananatili sa mahirap na kalagayan ang kan’yang pamilya, natutunan ni Telebrico na laging umasa sa Diyos na naging kaagapay niya sa lahat ng pagsubok.
Sa naging karanasan ng mga kabataan, ipinaalala naman ni Cardinal Tagle na laging alalahanin ng mga ito ang natatanging biyaya na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat tao.
Ayon kay Cardinal Tagle walang taong nilikhang perpekto at ang bawat isa ay may mga kapintasan at kalakasan.
Sinabi ni Cardinal Tagle na matuklasan nawa ng mga kabataan ang kanilang kalakasan, galitn at gamitin ito sa pagpapabuti ng lipunan at pagtataguyod sa kanilang kapwa.
“Ang hirap ng buhay na lagi kang may kalaban, at sa isip mo ikaw na ang talo. Mga kabataan wala sa atin na perfect, pero sana matutunan natin kilalanin, at i-appreciate anuman ang gift, regalo na nasa iyo. Walang tao na natanggap lahat ng gifts pero hindi ibig sabihin nun ay balewala ka,”pahayag ni Cardinal Tagle.
Hiniling din ni Cardinal Tagle na sa pagtuklas ng sariling mga kakayahan, ay igalang din ng mga kabataan ang kakayahan ng kanilang kapwa.
Sang-ayon sa pahayag ni Pope Francis, dapat iwaksi ang pamimintas sa kapwa at bagkus ay tignan ang kagandahan ng kanilang mga katangian na biyaya ng Diyos.
“Hihilingin ko sa inyo, igalang ninyo at pahalagahan i-appreciate ang gifts na nasa inyong ka-klase at kaibigan. Sabi nga ni Pope Francis tama na ang pamimintas tama na ang pag-criticize, panahon na para mag appreciate. Sa halip na hatak I build up. Recognize your gifts, i-develop ninyo, at yung gift ng iba i-develop din ninyo, sa halip na magkalaban naghihilahan, celebrate the gifts mag exchange gift kayo,” hiling ng Cardinal sa mga kabataan.
Manila Mayor Domagoso sa kabataan
Naging panauhin din sa pagtitipon si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Nanawagan ang alkalde sa mga kabataan na tulungan ang pamahalaan sa pagpapanumbalik nang mapayapa, masagana at maunlad na lungsod ng Maynila.
Hinamon nito ang mga mag-aaral na dumalo sa UTAK na panatilihin ang line of 8 na grado dahil sa pamamagitan ng pagsisikap sa pag-aaral ay malaki na ang naiaambag nito sa kaayusan ng lipunan.
Dagdag pa niya, ang ginagawa nilang pagsasaayos ng lungsod ay hindi para sa kanilang kapakanan kungdi para sa kinabukasan ng mga kabataan.
“Kayong mga bata kayo ang pinagtutuunan ng pansin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, bagay na aming ginagawa ngayon ay hindi para sa nanay nyo o para sa amin lamang, hindi ito ireregalo namin sa aking mga anak, kun’di sa [lahat] mga anak ng bawat pamilya dito sa lungsod ng Maynila,” pahayag ni Domagoso.
Ibinahagi pa nito ang personal niyang buhay kung paanong mula sa kahirapan ay nagpursigi ito upang makapagtapos ng pag-aaral, at ngayon ay isa nang alkalde ng lungsod ng Maynila.
Sinabi ni Domagoso na utang niya ang lahat ng kan’yang nakamit sa Diyos na lagi niyang hinihingan ng tulong at tinatawagan sa oras ng pagsubok.
“Whatever challenges, ang gagawin mo lang simple titingala ka lang sa itaas tapos kausapin mo na, sabi ng nanay ko ang Diyos daw pwedeng makausap ano mang oras. Pati sa itaas humihingi ako ng tulong dahil ang hindi kaya ng tao ay kaya ng Diyos,” Pahayag ni Domagoso.
May 200 ang mga kabataang dumalo sa buwanang pagtitipon na UTAK sa pangunguna ng Archdiocesan Commission on Youth ng Maynila.
Umaasa ang ACY-Manila na magpapatuloy ang aktibong pakikiisa ng mga kabataan sa ganitong pagtitipon at kapupulutan ito ng mga aral na kanilang maibabahagi sa pamilya at mga kaibigan.