3,827 total views
Inilunsad ng environmental justice group na BAN Toxics ang “Iwas Paputok, Iwas Disgrasya, Iwas Polusyon” campaign upang maipalaganap at maisulong ang ligtas at makakalikasang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay BAN Toxics executive director Reynaldo San Juan, Jr., layunin ng kampanya na itaguyod ang karapatan at kaligtasan ng kabataan laban sa pagkakalantad sa mga panganib na dulot ng paputok at polusyon.
Ginanap ang paglulunsad sa Barangay Payatas, Quezon City noong December 10, kasabay ng International Human Rights Day, kung saan nasa 2,000 ang nakilahok kabilang ang mga mag-aaral, kawani, at magulang mula sa Payatas B Elementary School, mga residente at lokal na opisyal, at mga kinatawan mula sa Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.
“Let us ensure a safe and responsible holiday celebration this season, one that prevents harm to our children,” ayon kay San Juan.
Batay sa tala ng Department of Health Online National Electronic Injury Surveillance System, patuloy na tumataas ang kaso ng fireworks-related injuries, mula sa 123 kaso noong 2020, tumaas ito sa 189 noong 2021, 307 noong 2022, at umabot sa 609 noong 2023.
Panawagan ng BAN Toxics sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na paigtingin ang pagbabantay at pagkumpiska sa mga ipinagbabawal at mapanganib na paputok upang maiwasan ang muling pagtaas ng mga kaso ng mga nasusugatan dulot ng paputok ngayong taon.
Kabilang sa listahan ng PNP ang mga ipinagbabawal na paputok na Watusi, Poppop, Five Star, Pla-pla, Piccolo, Giant Bawang, Goodbye Bading, Goodbye Philippines, Atomic Bomb, Super Lolo, Hello Colombia, Judas’ Belt, Giant Whistle Bomb, Atomic Triangle, Mother Rocket, Goodbye De Lima, Goodbye Napoles, Coke-in-Can, Super Yolanda, Pillbox Star, Kabasi, at Hamas.
Babala rin ng BAN Toxics sa publiko ang panganib na maaring makuha mula sa pagkakalantad sa mga paputok, tulad ng mga kemikal na cadmium, lead, chromium, magnesium, at nitrates, na maaaring makapinsala sa nervous at respiratory system.
Tiniyak naman ng grupo ang patuloy na pagbabantay laban sa ilegal na pagbebenta ng paputok, at ang pagsusulong para sa ligtas at makakalikasang holday season.
“We will keep promoting safer, eco-friendly celebrations to ensure the health and safety of the public, especially children, during this festive season,” saad ni San Juan.
Patuloy ang panawagan ng simbahang katolika sa lahat ng sektor ng lipunan na magtulungang pangalagaan ang kapaligiran at sugpuin ang mapaminsalang nakasanayan para sa kapakanan ng susunod na henerasyon.