742 total views
Nanawagan ang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga kandidato na talikdan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon o fake news, panlilinlang at paninirang-puri sa kapwa kandidato o isulong ang kanilang mga sariling kandidatura.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National Director ng Caritas Philippines, mahalagang sa Panginoon magmula ang lakas at determinasyon ng mga kandidato na maglingkod sa mamamayan na isang pinakamagandang pagpapamalas ng pagmamahal hindi lamang sa kapwa, sa bayan kundi para sa Panginoon.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na siya ring Lead Convenor ng Halalang Marangal 2022, ang katotohanan at katapatan ang dapat na ipamalas at ipahayag ng mga kandidato sa pagbabahagi ng kanilang mga plano at plataporma.
“Candidates should turn away from disinformation or fake news, deception and slander whether against other candidates or to promote themselves, instead they should express truth and honesty and strive for excellence particularly in programs they are proposing, they should draw strength and guidance from God to sustain them in public service, these are the best expression of love for God and for others,” panawagan ni Bishop Bagaforo.
Pagbabahagi ng Obispo, kaakibat ng iba’t ibang posisyon sa pamahalaan ay ang hamon na maging isang ganap na lingkod bayan at hindi ang anumang kapangyarihan at pribilehiyo sa lipunan.
Ipinaliwanag ni Bishop Bagaforo na ang mga lingkod bayan ang nagsisilbing instrumento, sugo o daluyan ng biyaya at pagkalinga ng Panginoon upang mapaglingkuran ang mamamayan.
Inihayag ng Obispo na walang puwang ang masamang hangarin, kasamaan, katiwalian at pansariling interes sa paglilingkod sa bayan.
“We reminded that the positions they are buying for are not positions of power and privilege but of service, that they are God’s instruments to minister to the people and not lord it over them, malice, wickedness, corruption and self-interest should have no place in public service,” dagdag pa ng Obispo.
Inihayag rin ni Bishop Bagaforo na pagsisi, pagbabalik loob at pagtitiwala sa kaloob ng Panginoon ang panawagan ng Easter Triduum sa lahat na isang mahalagang paraan upang maghanda para sa papalapit na halalan sa bansa.
Ayon sa Obispo, mahalagang pagnilayan ng mga kandidato ang kanilang mga salita at gawi upang ganap na maging sugo ng Diyos para sa kanyang bayan.
“The call of the Easter Triduum is to repent, return, and rely. These actions take on special significance as we face a very important time of our history as a nation the coming May 2022 elections. Today, we call on all political candidates to evaluate their words and deeds against the call to repent of malicious and wicked ways and to uphold sincerity and truth, to return to God and His ways and to rely on God for strength and renewal,” ayon pa kay Bishop Bagaforo.
Nanawagan rin si Bishop Bagaforo sa may 67-milyong mga botante na pumili at maghalal ng mga kandidatong tunay na makapagsisilbi bilang daluyan ng biyaya at pagmamahal ng Panginoon para sa buong bayan.