372 total views
Pinaalalahanan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang bawat mamamayan partikular na ang mga nasa National Capital Region na panatilihin ang pag-iingat kasabay ng pagpapatupad ng alert level 4 status sa buong Metro Manila bunsod ng coronavirus disease.
Ayon kay Bishop Ongtioco na mas makatutulong pa rin para sa publiko ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 upang matiyak ang proteksyon sa sakit at pangalagaan din ang ating kapwa.
“Ang alert level 4 ay tanda ng [pag-iingat] dahil mataas ang infection rate sa isang lugar. Mag-ingat tayo upang hindi maging carrier ng virus. Mahalaga ang magpabakuna. Hindi mapipigilan ang COVID pero hindi malakas ang tama sa atin kapag nabakunahan tayo. May panlaban tayo at hindi magiging malala ang tama sa atin,” pahayag ni Bishop Ongtioco sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ng Obispo na maliban sa pagpapabakuna ay dapat ding patuloy na sundin ang mga minimum health standards tulad ng palagiang pagsusuot ng face mask, face shield, paghuhugas ng kamay, at ang physical at social distancing upang maiwasan ang COVID-19 transmission.
Iginiit din ni Bishop Ongtioco na mahalaga ang patuloy na pananalangin sa Panginoon upang humingi ng gabay at magsilbing lakas sa bawat pagsubok na hinaharap ng mamamayan ngayong pandemya.
“Patuloy tayo mag-observe ng mga protocol para sa kalusugan at kaligtasan natin lahat. ‘Yung pagiging malinis ang kamay at paggamit ng facemask at faceshield. Ipagpatuloy din ang pananalangin. Lumalakas tayo at maraming umasa sa Diyos at hindi sa tao,” ayon kay Bishop Ongtioco.
Nagsimula na ngayong araw ang pagpapatupad ng General Community Quarantine alert level 4 status sa Metro Manila bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng virus sa rehiyon.
Papahintulutan dito ang pagsasagawa ng mga religious activities sa 30 percent seating capacity kung ito ay isasagawa sa outdoor setting, habang 10 percent seating capacity naman sa indoor setting at maaari lamang para sa mga fully vaccinated.
Batay naman sa tala, magmula nang lumaganap ang COVID-19 sa Pilipinas ay naitala na sa Metro Manila ang nasa mahigit 737,000 kaso ng mga nahawaan kung saan nasa 9,200 na ang mga nasawi habang nasa 50,000 naman ang kasalukuyang aktibong kaso.