226 total views
Hinimok ni Environment Secretary Roy Cimatu ang mamamayan na makiisa sa kampanya ng pamahalaan upang mabawasan ang mga basura at maisaayos ang pagtatapon nito.
Ayon kay Cimatu sa pamamagitan ng tamang pangangasiwa sa mga kalat ay maiiwasan ang pagbara ng basura sa mga kanal na nagiging sanhi ng matinding pagbaha sa Metro Manila.
Giit ni Cimatu, bagamat tungkulin ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng responsableng “waste segregation” sa ilalim ng R.A. No. 9003 o Solid Waste Management Act of 2000, ay may tungkulin din ang bawat mamamayan na ayusin ang pagtatapon ng mga basura. Aniya, madali lamang itong gawin subalit nangangailangan ng ibayong disiplina.
“The constitutional right to a clean and healthy ecology does not only call on enforcement by government agencies, but also on each citizen’s civic duty to follow these laws on their own, as citizens, we also need to do our part by simply disposing of our trash properly. Let us segregate waste and stop indiscriminate dumping; it is simple to do and requires just a bit of discipline.”, bahagi ng pahayag ni Cimatu.
Paliwanag pa ni Cimatu, dahil sa dumadaming bulto ng mga basura kaya lumalala din ang baha sa Metro Manila tulad ng naranasan nitong nakaraang bagyong Maring.
Batay sa pagsusuri ng DENR araw-araw ay tinatayang 4,000 truck ng basura ang nakokolekta sa buong Mega Manila.
Samantala, ayon naman sa National Solid Waste Management Commission noong taong 2013 ang buong Pilipinas ay nakalilikha ng 38,092 tonelada ng basura araw-araw, at sa huling pag-aaral noong 2014, nadagdagan pa ang dami ng basura na nagagawa ng mga tao sa 38,757 tonelada.
Binigyang diin naman sa Laudato Si ni Pope Francis, ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan at pagbabawas sa nalilikhang basura dahil sa kasalukuyan ay unti-unti nang nagmimistulang malawak na tambakan ng basura ang daigdig.