411 total views
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital si Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo matapos na magpositibo sa coronavirus disease nitong Agosto 5.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Angelo Colada, Social Communications Director ng Arkidiyosesis, agad na sumailalim sa swab testing ang Arsobispo matapos itong makaramdam ng mild symptoms.
Pinaghihinalaang nakuha ito ni Archbishop Lazo sa kanyang personal driver dahil nag-positibo rin ito sa virus batay sa isinagawang contact tracing.
“Among the 14 na na-contact trace and mostly mga pari ito, ‘yung iba sa seminary and ‘yung ibang staying with him in the Archbishop’s residence, they are all tested negative, except his driver,” bahagi ng pahayag ni Fr. Colada sa panayam ng Radio Veritas.
Gayunman, ligtas ang Jaro Metropolitan Cathedral para sa mga mananampalatayang nais na dumalo sa mga banal na pagdiriwang sapagkat patuloy na ipinapatupad sa loob ng katedral ang minimum health protocols bilang proteksyon sa banta ng COVID-19.
Hinihiling naman ni Fr. Colada na patuloy na isama sa mga panalangin ang agarang paggaling ni Archbishop Lazo laban sa virus.
Magugunitang noong Marso 15, 2021, si Archbishop Lazo ang kauna-unahang Arsobispo sa bansa na nakatanggap ng COVID-19 vaccine.
Si Archbishop Lazo na ang ika-12 Obispo sa bansa na nahawaan ng COVID-19, kung saan ang pinakahuli ay si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na ngayo’y magaling na sa virus.