1,893 total views
Pamumunuan ni Filipino Jesuit missionary Fr. Primitivo Viray Jr. ang Jesuit Conference of Asia Pacific (JCAP).
Batay sa decree na inilabas ng mga Heswita noong June 13, tiwala si Fr. General Arturo Sosa, SJ sa kakayahan ni Fr. Viray na pamunuan ang JCAP na ang pangunahing gawain ay makipag ugnayan sa Major Superiors ng Jesuit Conference sa pagpapatupad ng mga kalatas na binalangkas sa nakalipas na General Congregations.
Hahalili si Fr. Viray bilang pangulo ng JCAP kay Filipino missionary Fr. Antonio Moreno, SJ na nagtapos ang anim na taong termino.
Naniniwala si Fr. Moreno na higit maisulong ng bagong pangulo ang mga gawain at adbokasiya ng JCAP batay na rin sa karanasan ni Fr. Viray.
“I thank Fr. Jun (Viray) for his generous availability and readiness to accept this new mission. Given his gifts, the conference is in good hands with the grace of God. I am confident that he will be the leader of JCAP needs in the year to come.” bahagi ng pahayag ni Fr. Moreno.
Bukod sa pagiging pangulo ng JCAP magsisilbi ring Major Superior ng mga Heswita si Fr. Viray sa pinakabagong mission territory sa Pakistan.
Sa kasalukuyan siya ang Provincial ng Philippine Jesuit Province kung saan mayaman sa karanasan sa larangan ng edukasyon, pagtulong sa mga dukha, at paghuhubog sa mga lingkod ng simbahan na maaring makatutulong sa kanyang pamamahala sa JCAP.
Ilan sa naging tungkulin ni Fr. Viray bilang Heswita ang Assistant Director at Director ng Prenovitiate program ng Haggerty Hall mula 1989 hanggang 1991 at Arvisu House mula 1992 hanggang 1994.
Nang maordinahang pari noong 1995 itinalaga itong Assistant Parish Priest at Parish Priest sa Ipil, Zamboanga Sibugay at nagtuturo ng Economics sa Ateneo de Zamboanga University kung saan naging Local Superior at Delegate of Regents mula 2006 hanggang 2009.
Bago italagang Provincial ng mga Heswita sa bansa nagsilbing itong Rector ng Loyola House of Studies kasabay ang pagiging Delegate for Formation at Vice Superior ng Theologians Subcommunity.
Taong 2011 nang maihalal na pangulo ng Ateneo de Naga University, Superior ng mga Heswita sa Naga at Chairperson ng Jesuit Higher Education Commission.
Bilang tagapamuno ng mga Heswita sa bansa tumugon si Fr. Viray sa paanyaya ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na magpadala ng mga misyonero sa itinatag na Sacred Heart Mission Station na naging daan sa mas malawak na pagmimisyon ng kongregasyon sa mahihirap na komunidad kabilang ang mga biktima ng ipinagbabawal na gamot.