240 total views
Dati, ang jeep ay simbolo ng kulturang Filipino. Kahit saan mang bahagi ng mundo, hindi ka makakita ng jeep bilang pangunahing kaparaanan ng transportasyon. Dito lang yan sa Pilipinas. Hari ng kalsada o king of the road ang mga jeepneys. Makukulay, malalaki, at maingay – ang jeep ay nagpapakita ng sigla ng umuusbong nating ekonomiya noon.
Dahil nga pangunahing mode of transportation ng bayan ito, naging masiglang industriya din ang pag-gawa ng mga jeep. Naging sikat na sikat noon ang Sarao Motors, na siyang pangunahing manufacturer ng jeep sa bayan. Ang kanilang paghina ay salamin na rin ng paghina ng jeep bilang hari ng kalsada. Ngayon, tila iba na ang simbolo ng mga jeep – sinasalamin na nito ang kahirapang nadarama ng marami nating kababayan.
Ayon sa isang pag-aaral, maaring umaabot ng 250,000 ang bilang ng mga jeeps sa buong bansa. Sa Metro Manila, sinasabing umaabot ng 70,000 ang mga jeepney drivers at marami sa kanila ang namulubi na dahil sa mga lockdowns. Nung unti-unti ng nakakalabas ang mga jeep, kulang pa rin ang kanilang kinikita dahil naman sa social distancing. Nabuhayan na sana ng loob ang marami dahil unti-unti ng bumubuti ang COVID situation sa bansa, kaya nga lamang, sinalubong naman sila ngayon ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Ang buhay ng jeepney drivers sa ating bayan ay malubhang naapektuhan ng pandemya at pagsirit ng presyo ng krudo sa merkado. Ang kanilang pagbawi at pagbangon ay tila maaantala na naman dahil sa panibagong hamon ng panahon.
Kapanalig, marahil marami sa atin, lalo ang mga may sariling sasakyan, binabalewala na lamang ang sitwasyon ng jeepney drivers. Para sa kanila, makalumang paraan na naman ito, at dapat lang palitan.
Konting preno, kapanalig. Ang modernisasyon ay hindi nangangahulugan ng pagtapon ng isang cultural icon. Hindi rin ito nangangahulugan na isasawalang-bahala natin ang sitwasyon ng ating mga kababayang umaasa sa jeep-hindi lamang sila mga drivers, kapanalig, kundi mga pasahero na pamasahe lamang sa jeep ang kaya ng bulsa.
Ang ating approach o pagtugon sa modernisasyon kapanalig, ay hindi lamang dapat nakatuon sa bilis at sa bago. Nauunawaan natin na nais nating maging mas ligtas at energy-efficient ang mga jeep, pero maari natin itong gawin sa paraan na mas inklusibo. Moderno pero makatao dapat ang ating maging panuntunan dito.
Ayon kay Saint Pope John Paull II, may espesyal na presensya si Kristo sa maralita. At dahil dito, kapanalig, marapat lamang na tayo ay makiisa sa kanila, base na rin sa prinsipyo ng solidarity. Ang prinsipyong ito ay nagpapa-alala sa atin na sa “piging ng buhay, lahat ay imbitado ng Panginoon. Sana, ating gayahin ang kabukasang loob ng Diyos. Sa ating pag-unlad, huwag sana natin iwanan ang mga maralita.