18,296 total views
Tiniyak ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) ang patuloy na pakikiisa sa sektor ng traditional jeepney drivers at operators na nanganganib mawalan ng kabuhayan.
Ito ang tiniyak ni Kej Andres, Pangulo ng SCMP sa paggunita sa ika 63-taong anibersaryo ng pagkakatag ng grupo.
Ayon kay Andres, napapanahon ang pinaigting na pakikiisa ng ibat-ibang grupo higit ng mamamayan upang mapalakas ang mga apela ng jeepney sector sa kabila ng tatlong buwang extension ng jeepney francise consolidation.
“Tunay na sa harap ng panggigipit at patuloy na palpak na pagtugon ng gobyerno sa mga pangagailangan ng mga Pilipino, ang kolektibong lakas at pagkilos natin ang magiging sandalan ng bawat isa,” ayon sa mensahe ni Andres.
Ginunita ng S-C-M-P ang kanilang anibersaryo kasama ang mga jeepney driver at operators.
Sa pamamagitan ito ng pagdaraos ng maliit na salo-salo kung saan pinangasiwaan ng SCMP ang donation drive para maisakatuparan ang gawain.
Ito ay upang ipakita ng grupo ang pinaigting na pakikiisa sa mga jeepney driver at operator na apektado ng franchise consolidation kung saan tuluyang ipagbabawal ang pamamasada ng mga traditional jeepneys sa buong Pilipinas upang palitan ng modern jeepney units.
“Nai-usog man ang deadline ng consolidation ng mga jeepney, patuloy parin ang pagpakat sa mga strike centers para igiit na hindi extension kundi pagbasura sa peke at makadayuhang PUV Modernization Program ang panawagan ng mga tsuper, operator, at komyuter,” bahagi pa ng mensahe ni Andres.
Sa pinagsama-samang pag-aaral ng ibat-ibang grupo ng mga jeepney at sektor ng lipunan, inaasahan na kagyat na mawalan ng pagkakakitaan ang 200-libong mga jeepney drivers at operators sakali na tuluyang umiral ang franchise consolidation.
Unang ipinatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang deadline ng extenstion sa jeepney franchise consolidation sa April 30, 2024.