2,567 total views
Nananawagan sa pamahalaan si Borongan Bishop Crispin Varquez upang tugunan ang usapin ng pagmimina sa Eastern Samar.
Sa mensahe ni Bishop Varquez, hinihiling nito sa mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ang pagsasantabi sa anumang aplikasyon ng pagmimina para sa kapakanan ng mahihirap na mamamayan at kalikasan.
Ang pahayag ng obispo ay kaugnay sa gaganaping ‘Jericho Walk prayer rally’ sa Agosto 7, 2023 sa pangunguna ng Diocese of Borongan upang ipanawagang ihinto na ang pagpapahintulot sa ilegal na pagmimina sa Samar Island.
“Let us not be blind to the current horrific effects of mining operation on our main islands, islets, radically scarring landscapes and seascapes.” bahagi ng mensahe ni Bishop Varquez.
Nais imungkahi ni Bishop Varquez sa pamahalaan ang pagsusulong sa agri-ecological tourism sa halip na pahintulutan at ipagpatuloy ang mapaminsalang pagmimina.
Paliwanag ni Bishop Varquez na kapag naisakatuparan ang agri-ecological tourism, ang bawat isa’y dapat maging bahagi sa pagpapaigiting ng pangangalaga at pagpapanatili sa mga nalalabing handog ng Diyos sa sangkatauhan.
“I appeal to the DENR {Department of Environment and Natural Resources] and the MGB {Mines and Geosciences Bureau] to please cancel all mining permits being used by mining companies operating in our areas.” ayon kay Bishop Varquez.
Magsisimula ang Jericho Walk sa pamamagitan ng caravan mula sa iba’t ibang parokya hanggang sa Eastern Samar Provincial capitol at susundan ng paglalakad ganap na alas-9:30 ng umaga patungo sa Cathedral Parish of the Nativity of Our Lady o Borongan Cathedral para sa banal na Misa na pangungunahan ni Bishop Varquez.
Inaasahan namang dadalo sa pagtitipon ang mga kinatawan mula sa Diyosesis ng Calbayog at Catarman, na kabilang sa mga lugar na balak ding pagminahan.
Una nang kinondena ni Bishop Varquez ang pagpapatuloy ng pagmimina lalo na sa Homonhon at Manicani Island sa Guiuan, Eastern Samar dahil sa pinsalang dulot nito sa kalikasan at buhay ng mamamayan.