337 total views
Aminado si CBCP – Epicopal Commission on the Laity chairman at Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na ang “job mismatch” ang pangunahing problema na kinakaharap ng mga nagsisipagtapos sa kolehiyo taun–taon.
Bunsod nito, hinimok ni Bishop Pabillo ang mga kabataan na matutong makipagsapalaran sa kanilang mga malalaking siyudad sa bansa tulad ng Cebu, Iloilo at marami pang ibang maunlad na lungsod sa halip na Metro Manila.
Pinayuhan ng Obispo ang mga college graduate na iwasan na ang pananaw na nasa Metro Manila lamang ang pag–unlad.
“Talagang ‘yan pa ang problema natin sa ating educational system ng maraming mga graduates na pino–produce natin na hindi nakakahanap ng trabaho. Kaya kailangan lang talaga nilang magtiyaga sa kakahanap ng trabaho. At sana hindi nalang sila dito maghanap dahil baka sa ibang lugar meron pa. Kung ano ang wala sa Cebu meron sa Maynila, baka wala sa Maynila ay baka nasa Davao. Kaya maging handa sana ang mga estudyante na makipag- sapalaran sa ibang mga lugar,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Panawagan pa ni Bishop Pabillo sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Education at Commission on Higher Education na suriing mabuti ang mga in – demand jobs sa mga susunod na taon.
“Pero ito ay panawagan na rin sa business natin at sa pamahalaan sa DepEd lalong – lalo na, sa CHED na sana ay magkaroon na kung ano talaga ang mga kurso na kinakailangan ng development natin at sana ang i – proposed sa mga kabataan. At ang mga kabataan din sana hindi lang nila tignan yung sa ngayon ngunit kung ano ang pangangailangan ng bansa sa mga susunod na apat na taon kapag nag – graduate na sila,” pananaw ni Bishop Pabillo.
Lumalabas naman sa pag – aaral ng Trade Union Congress of the Philippines o TUCP na aabot sa 1.2 milyong magsisipagtapos ngayon sa kolehiyo at vocational courses ang mahihirapang makapaghanap ng trabaho na tugma sa kanilang kursong natapos.
Nauna na ring binanggit ni St. John Paul II na ang mga kabataan ang pag – asa ng simabahan at lipunan na kinakailangang pangalagaan dahil sa kanila nakasalalay ang kinabukasan ng bayan.(Romeo Ojero)