207 total views
Kinikilala ng Simbahang Katolika ang hakbang ng mga establisimiyento na pahalagahan ang karapatan ng manggagawa.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, ito ay sa paraan ng pagbibigay ng trabaho sa mamamayan upang mananatili ang mga Filipino sa bansa at mababawasan ang mangingibang bayan.
“We really have jobs here, and making them secured, stable; fair and just would make our people stay here and take those jobs,” ang pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Giit pa ni Bishop Santos, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on on Migrants and Itinerant People mahalagang mapangalagaan ng bansa ang karapatan at kapakanan ng bawat Filipino lalu na ang pagbibigay ng hanapbuhay na pantustos sa pangangailangan ng pamilya.
Ang pahayag ng Obispo ay kaugnay sa ulat ng Department of Labor and Employment na pag-regular ng isang kilalang shopping mall ng 11, 660 mga manggagawa ngayong taon habang mahigit 1, 000 naman sa isang fast food chain.
Sinabi naman ni Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs hindi sapat na basehan ang pagsunod ng dalawang kumpanya upang ikatwiran ang Department Order No. 174 at Executive Order No. 51 na natutugunan nito ang suliranin ng kontraktuwalisasyon sa bansa.
“Mainam pa rin ang pagkakaroon ng batas para tuluyan ng mapanagot ang mga hindi susunod sa natatanging karapatan ng mga manggagawa na bigyan sila ng security of tenure,” ayon kay Fr. Secillano.
Giit ni Fr. Secillano na ang pagre-regular ng mga manggagawa sa establisimyento ay umpisa ng tamang hakbang upang tugunan ang suliranin sa sektor ng manggagawa sa Pilipinas.
Umaasa rin ang pari na dapat tularan ng iba pang kumpanya ang hakbang bilang pagpapahalaga sa kapakanan ng kanilang manggagawa.
Batay sa ulat ni DOLE Secretary Silvestre Bello III mahigit 400, 000 ang bilang ng mga manggagawa na-regular sa kanilang mga trabaho kung saan 35 porsyento dito ay bunga ng mahigpit na pagpapatupad ng Department Order No. 174 na nagbabawal sa labor only contracting, mahigpit na regulasyon sa kasunduan sa pangongontrata at pagwawakas ng ‘endo’.
Bagamat naniniwala si Bishop Santos sa maigting na pagpapatupad ng mga polisiyang napapakinabangan ng mga manggagawa hinimok din nito ang pamahalaan na mahigpit ipatupad ang mga batas na nararapat sundin ng mga kumpanya.
“We have to apply our law, and no one is above the law,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Sa ensklikal ni Pope Leo XIII na ‘Rerum Novarum’ binigyang diin dito na dapat pahalagahan ng mga mamumuhunan ang kapakanan at karapatan ng bawat manggagawa upang maiwasan ang pananamantala sa mga maliliit na sektor sa lipunan.