267 total views
Sa puso nagsisimula ang pag-ibig na siyang dapat na nagsisilbing matibay na sandigan ng bawat isa laban sa kumakalat na sakit sa lipunan na tinatawag na ‘indifference’.
Ito ang inihayag ni CBCP-Episcopal Commission on Health Care Executive Secretary Fr. Dan Cancino nawa aniya ay maging epekto ng Journey of the Incorrupt Heart Relic of St. Camillus De Lellis upang malunasan ang naturang kumakalat na sakit sa lipunan.
Ayon sa pari, kabilang sa mga maituturing na sakit ng lipunan ang kawalan ng pakialam sa kapwa at maging sa buong mundo na nagdudulot ng pagkakahiwa-hiwalay.
Ito ay tinukoy ni Pope Francis na throw-away culture kung saan naisasantabi ang mga mahihina at maliliit na sektor ng lipunan.
Umaasa ang pari na magiging instrumento ang hindi naaagnas na puso ni San Camillo na magkaroon ng dalisay na puso ang bawat Filipino na palaging handang tumulong at magbahagi ang sarili para sa mga nangangailangan.
“Sa ating lipunan ngayon at sa ating mundo meron tayong sakit na tinatawag na indifference wala ng pakialam, mayroon tayong sakit ng pagkakahiwa-hiwalay akin ito sa’yo ‘yan, mayroon tayo sakit ng yung tinatawag ni Pope Francis yung culture of throw-away kapag hindi na kita kailangan itatapon nalang kita, pero sana paalalahanan tayo nung puso ni San Camillo de Lellis na yung puso pinagmumulan ng pag-ibig, yung puso pinagmumulan ng pagkakaisa, yung puso pinagmumulan ng pagpapahalaga,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Cansino sa panayam sa Radyo Veritas.
Nauna ng ibinahagi ng Pari ang panalangin na ganap na mapuspos ng pagbisita sa bansa ng hindi naaagnas na puso ni San Camillo ang bawat Filipino upang magkaroon ng dalisay na pusong bukas sa pagbabahagi ng sarili para sa bawat isa.
Noong ika-2 ng Pebrero dumating sa bansa ang ‘Incorrupt Heart Relic’ o ang higit 400-taon nang hindi naaagnas na puso ni Saint Camillus de Lellis upang bumisita sa iba’t-ibang mga Simbahan at ospital mula sa mahigit na 19 na mga diyosesis sa buong bansa.
Inaasahan namang isasagawa sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral ang Farewell Mass ng Incorrupt Heart ni St. Camillus sa ika-31 ng Marso bago muling bumalik sa Roma.
Anim na taon na ang nakalipas nang unang naganap ang Journey of the Incorrupt Heart ni St. Camillus sa Pilipinas noong February 18, 2013 hanggang March 10, 2013 kung saan mas naging maalab rin ang debosyon ng mga Filipino kay St. Camillus.