636 total views
Homiliya para sa Huwebes, Kapanganakan ni San Juan Bautista, 23 Hunyo 2022, Lk 1: 57-66, 80.
Bakit tayo nagpipiyestang San Juan Bautista ngayong June 23, gayong alam naman nating June 24 ang tradisyunal na Pyesta niya? Dahil kasi nataon ang kapistahan ng Sagradong Puso bukas, June 24. Syempre, ang ating bidang propeta na nagsabi tungkol kay Hesus, “He must increase, I must decrease”, laging magpaparaya sa alam niyang mas bida sa kanya—ang Sagradong Puso ng matalik niyang kaibigan at pinsan.
Pero sa mga parokya at diocese na ipinangalan kay San Juan Bautista, okey lang daw, ayon sa Simbahang Katolika, na ibaligtad—na ibida pa rin sa June 24 si San Juan at sa June 23 na ipagdiwang ang Sagradong Puso. Siguro dahil alam din natin na sa usapin ng kababaan ng loob, kahit si Juan Bautista hindi kayang higitan sa kababaang-loob ang kanyang disipulo at kaibigan na kinilala niya bilang Manunubos, ang Korderong Nag-aalis ng Kasalanan ng Sanlibutan.
Ang gusto kong bigyang pansin sa ating pagdiriwang ay ang unang mga salita na lumabas sa bibig ni Zacarias, ayon kay San Lukas, matapos ang siyam na buwan ng kanyang pananahimik: “ANG PANGALAN NIYA’Y JUAN!”
Ewan kung kailan ba nagsimula na ang pangalang JOHN ay naging para bang generic name para sa mga Amerikano. Di ba kapag may taong natagpuang patay pero walang makitang ID o anumang pagkakakilanlan sa kanya, tinatawag muna siyang “A certain John Doe?” Siguro ito ang ginaya ng Pilipinas kung kaya’t ang tawag naman sa atin sa generic na Filipino ay “Juan de la Cruz.”
Galing sa Hebreo ang pangalang JUAN, JO-HANAN. Kapag binigyan ng ganitong pangalan ang isang tao, ibig sabihin, siya ay parang patotoo o ebidensya na “mapagkaloob ang Diyos.” Sa madaling salita, siya ay REGALO NG DIYOS.
Kaya nang tutulan ni Zacarias ang suggestion ng mga kamag-anak na ipangalan ang bata sa kanya at sumang-ayon sa misis niya na dapat Juan ang ipangangalan sa bata tulad ng bilin ng anghel, malinaw ang statement niya. “May bokasyon at misyon ang batang ito: ang magpatotoo sa kagandahang-loob ng Diyos. Kaya hindi ako o kalooban ko ang masusunod sa buhay niya, kundi ang Diyos lamang.”
At nagkatotoo nga. Paglaki ng bata, imbes na magsilbi sa templo bilang paring tulad ng tatay niya, siya ay naging PROPETA. Hindi sariling mga ambisyon o plano sa buhay ang inatupag niya. Ni hindi mahalaga sa kanya na makilala siya. Walang ibang mahalaga sa kanya kundi Salita ng Diyos. Buong buhay niya inilaan niya sa pakikinig at pagkilatis sa Kalooban ng Diyos upang dumating ang sadali na maipakilala niya ang Salitang nagkatawang tao kay Hesus. Kaya sinabihan niya ang mga alagad niya: hindi sa akin kundi sa kanya kayo dapat sumunod.
Hindi madali ang ganitong klase ng bokasyon. Natural daw sa tao ang ambisyon na gumawa ng pangalan para sa sarili. Sa Ingles, “To carve a name for oneself.” Si Juan na Tagabinyag ay parang kabaligtaran. Nagpaka-generic, kumbaga. Di baleng maging JOHN DOE o JUAN DE LA CRUZ. Walang ibang Pangalan na importante sa kanya kundi ang Ngalan ng Anak ng Diyos. Parang si Juan Bautista ang naririnig ko kapag binabasa ang sinabi ni San Pablo tungkol sa KENOSIS ng Anak ng Diyos. Sabi niya sa Philippians 2:9-10:
“(Dahil lubos na ibinuhos ni Kristo ang kanyang sarili sa krus,) dinakila siya ng Diyos, binigyan ng pangalan na higit na dakila sa lahat, upang sa Ngalan ni Hesus, ang bawat nilalang ay luluhod, maging sa langit o sa lupa, at bawat isa ay magpapahayag na si Hesukristo ay Panginoon, sa ikadarakila ng Diyos Ama.