321 total views
Nakakahiya na ang budget na gagamitin ng pamahalaan para sa operasyon ng sugal na pupuksa sa jueteng ay mula din sa sugal.
Ito ang naging pahayag ni dating CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa inaasahang makokolektang P27 bilyong kita ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at gagamitin upang palawigin pa ang operasyon ng mga small town lottery (STL) sa bansa.
Ayon kay Archbishop Cruz, lingid pa sa kaalaman ng pamahalaan na ginagamit rin ang mga STL upang palaganapin ang jueteng at sakaling gawing nationwide ang STL ay tiyak na darami rin ang mga illegal gambling sa bansa.
“Naku naman hindi ba alam ng pamahalaan natin na yung mismong STL ay ginagamit na rin sa jueteng na ang mga kubrador ay naka – STL ID’s sa kanilang dibdib pero ang itinitinda ay jueteng. Mangyayari niyan habang dinamihan ang STL games lalong lalaganap rin ang jueteng games.”pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Sinabi ng founder ng Krusadang Bayan Laban sa Jueteng na kailanman ay mahirap pagkatiwalaan ang mga taong nabubuhay sa sugal at nagiging “Philippine Amusing Gambling Corporation” ang bansa dahil mahigit 35 malalaking korporasyon ng pasugalan ang nandirito na sa Pilipinas.
“Napakahirap pagkatiwalaan ang taong nabubuhay sa sugal. Nahihiya ako kapag sinasabing Philippine Amusement and Gaming Corporation, my goodness that is hypocrisy! Philippine Amusement and Gaming Corporation hindi dapat Philippine Amusing Gambling Corporation.” giit pa ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.
Samantala sa kasalukuyan mayroon ng 56 na STL sa buong bansa mula sa dating 18 lamang.
Nauna na ring ipinanawagan ni Archbishop Cruz kay PCSO General Manager Alexander Balutan magbitiw na sakaling hindi nito kayang wakasan ang jueteng sa bansa.
Read: http://www.veritas846.ph/pcso-officials-mag-resign-na/