378 total views
Layunin ng Caritas Philippines na paigtingin pa ang kaalaman at kasanayan ng mga Pari sa iba’t-ibang Diyosesis sa Pilipinas sa bahagi ng pagtulong sa mga mahihirap at nangangailangan.
Ito ang tiniyak ni Jing Rey Henderson, ang Communication and Partnership Development Unit Coordinator ng NASSA/Caritas Philippines matapos na ihayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP ang suporta nito sa itinayong learning ang training institute ng kanilang tanggapan.
Ayon kay Henderson, mas lalo pang pagyayamin ng Caritas Philippines Academy ang kakayanan ng iba’t-ibang mga Social Action Center at sa bahagi ng Social Service and Development sa mga nangangailangan.
Sinabi ni Henderson na sasailalim sa pagsasanay at pag-aaral ang mga Social Action Directors at iba pang lingkod ng Simbahan sa pamamagitan ng 14 month certificate courses katuwang ang Development Academy of the Philippines.
“Nitong January and July [CBCP] plenary ating hiniling sa mga Obispo na kilalanin ang ating academy kaya po ngayon finally ito po ay tinatawag nang Caritas Philippines Academy… Even yun mga Obispo at mga SAC Directors ay sinasabi na kung pwede magkaroon sila ng capacity building bago sumabak sa ganitong [paglilingkod].. na magkaroon sila ng consistent capacity building or training talaga” pahayag ni Henderson sa panayam ng programang Caritas in Action.
Aminado si Henderson na malaki din ang gampanin ng mga Social Action Directors lalo na sa nalalapit na halalan 2022 kung saan makikibahagi ang mga institusyon na ito sa pagpapalaganap ng discernments para sa mga mapipiling kandidato.
Taong 2016 nang unang sinimulan ang pagkakaroon ng leadership program ng Caritas Philippines kung saan maaring makibahagi ang mga Pari at mga layko mula sa iba’t ibang Diyosesis sa Pilipinas.
Ito ay bilang pagtugon sa panawagan ni Pope Emeritus Benedict XVI sa kanyang encyclical letter na ‘Deus Caritas Est’ kung saan hinihimok ang mga nasa ilalim ng Social Action Network na magkaroon ng kasanayan o ‘professional competence’ pagdating sa mga programa na nagsusulong ng adbokasiya at pagtulong ng Simbahan para sa mga mahihirap.