179 total views
Maaring makaapekto sa kaayusan at katahimikan sa West Philippine Sea ang tuluyang pag-alis ng US Forces na katulong sa pagpapatrolya ng Armed Forces of the Philippines Western Command sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay Father Jasper Lahan – Social Action Director ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa, Palawan sa kabila ng puwersa at presensya ng Western Command sa West Philippine Sea ay kailangan pa rin ang tulong ng US Forces upang matiyak ang kapayapaan sa naturang teritoryo na inaangkin ng China.
“Siguro ang magiging effect lang niyan ay iba po kung mayroon tayong kasama na nagbabantay. Alam din natin na wala namang capacity itong Western Command just in case na guluhin tayp ng mga Chinese,” pahayag ni Father Lahan sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito sa kabila ng naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration pabor sa isinampang kaso ng Pilipinas laban sa China hinggil sa Maritime Entitlement sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea ay nakapagpatayo pa rin ang China ng pitong artificial islands.
Ang pinag-aagawang teritoryo ay saklaw ng 200-nautical miles Exclusive Economic Zone ng Pilipinas batay na rin sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Magugunitang, Hulyo ng nakalipas na taon nang nagpalabas ng Oratio Imperata ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na nananawagan sa mga mananampalataya na mag-alay ng panalangin para sa payapang paglutas sa territorial dispute sa West Philippine Sea.