269 total views
Hinimok ng Obispo ang mananampalataya na panatilihin ang kababaang loob upang manaig ang kabutihan.
Ito ang pagninilay ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa misang isinagawa sa pagbubukas ng Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly (MAGPAS).
Inihalimbawa ni Bishop Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, ang pamumuhay ni San Martin de Porres na naglilingkod sa kapwa ng may kababaang loob.
“Sana matutuhan natin ang mamatay sa sarili upang si Kristo na Diyos ay mabubuhay sa atin,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Paliwanag ng Obispo na ang kalaban sa pag-ibig ng Diyos ay ang labis na pagmamahal sa sarili na nagiging daan upang maging makasarili ang tao at nakalilimutan ang pagkalinga sa kapwa.
Binigyang diin ni Bishop Pabillo na dapat iwasan ng tao ang pagtataas sa sarili lalo sa mga bagay na naiaambag sa komunidad sa halip ay hayaan ang mamamayan na nakakikita sa ginagawang kabutihan sa lipunan.
Si San Martin de Porres ay kilalang patron ng mga institusyong nagkakawanggawa, mga mahihirap at yaong nakararanas ng diskriminasyon sa lipunan dahil sa hindi pagkakapantay-pantay.
Noong nabubuhay pa ang Santo ay kinakalinga nito ang mga inaabandona sa mga lansangan, isang gawaing nagpapatunay na kinalimutan nito ang sarili alang-alang sa kapakanan ng kapwa.
Taong 1962 ng itinalagang Santo ng Simbahang Katolika si San Martin de Porres ni Pope John Paul XXIII at kabilang sa mahigit sampung libong Santo ng Simbahan na nagsisilbing huwaran sa mananampalatayang Katoliko.