235 total views
Maging mapagpakumbaba at patuloy na umasa sa Panginoon.
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales sa mga mananampalataya sa pagdiriwang ng ika-25 taon ng simbahan ng Santissima Trinidad sa Malate.
Sa pagninilay ni Cardinal Rosales, sinabi nito na hindi magbabago ang isang tao nang hindi pa ito nakararanas ng pagkapahiya.
Gayunman, iginiit ng Kardinal na tanging kababaang loob ang susi sa tunay at buong pusong pagbabago ng isang tao.
“We cannot change without being humiliated. Bahagi ng pagbabago na mapahiya tayo…You cannot repent without being humble.” pagninilay ni Cardinal Rosales.
Ipinaalala ng Kardinal na ang Diyos ay Panginoon na nagbibigay ng walang hanggang pagkakataon sa mga nagnanais magbalik loob.
Ipinaliwanag nito na hindi hinuhusgahan at pinarurusahan ng Diyos ang taong paulit-ulit na nagkakasala.
Bagkus sa kabila ng pagkalimot, pagtalikod, at pagkakasala ay nananatili pa rin ang pag-ibig ng Panginoon sa bawat isa.
“To know this God, who is good, who is God and above all He loves you. Never mind kahit ganyan ka, you will change but God never change in His love for you.” Dagdag pa ni Cardinal Rosales.
Taong 1994 nang maitatag ang simbahan ng Santissima Trinidad sa Malate.
Ngayong 2019 ika-25 ng Marso ipagdiriwang ng simbahan ang kanilang 25th Silver Jubilee na may temang, “Dalawampu’t limang taong pag-alala sa Dalawampu’t limang taong pagpapala.”
Pinangunahan naman ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang 25th Silver Jubilee Thanksgiving Mass ng Santissima Trinidad Parish.