496 total views
Sa buong Asya, kapanalig, ang babae ay hirap mabasag ang tila pader na humaharang sa kanilang kanilang tagumpay bilang negosyante.
Ayon nga sa Asian Development Bank (ADB), ang negosyo ay teritoryo pa rin ng mga lalake. Marami pa rin tayong mga bias na base sa kasarian sa Asya. Ang mga bias na ito ay nagiging hadlang sa pagkakaroon ng mga kababaihan ng magandang trabaho. Pinipigil din nito ang mga babae na sunggabin ang mga magagandang oportunidad na dumarating sa kanila. Laging nakakulong ang mga babae sa Asya sa kanilang tradisyonal na papel: ang pagiging caregivers o tagapangalaga. Mas maliit pa sa 50% ng mga working age na kababaihan ang may trabaho. Sa lalake, nasa 80% ito.
Ayon sa mga eksperto, bago natin makita ang mas malawak na partisipasyon ng mga babae sa lipunan, partikular na sa negosyo, kailangang mabago muna ang ating mindset, at mabago rin ng mga babae ang kanilang pagtingin sa kanilang sarili.
Sa ating bansa, ang gender bias ay unti unti na nating nilalabanan, ngunit napakahirap nitong tanggalin sa mga lugar na may kaguluhan o conflict. Makikita natin na sa Mindanao, ang babae at mga bata ang bumubuo ng malaking porsyento ng mga internally displaced persons o IDP. Ayon sa isang pagsusuri ng Asia Foundation, sila ay bulnerable sa “human rights abuses, economic distress and marginalization, physical and mental health problems, political powerlessness, and deep-rooted social uncertainty.” Mabigat na ito mga kapanalig. Kung idadagdag pa ang kawalan ng trabaho o kabuhayan para sa pamilya, tila mahirap na bumangon ang kababaihan sa pagkalugmok.
Ang ating paniniwala bilang Kristyano ay nakasalig sa prinsipyo ng dignidad ng tao. Ang dignidad na ito ay walang kinikilingan o pinipili. Lahat pantay pantay. Ngunit sa takbo ng ating mundo, ang pag-gawad natin ng pagkakataon at karapatan sa tao ay tila mapili. Minsan, bulag pa nga. Ito ay kailangang magbago. Kailangan natin makita na lahat tayo ay may angking kakayahan at hindi dapat makahon sa mga gender stereotypes na pumipigil sa atin na maabot ang ating tunay na potensyal bilang anak ng Diyos.
Ang Pacem in Terris ay may mahalagang aral na maaring magbigay gabay sa atin: Kung nais nating maging maayos at produktibo ang ating lipunan, kailangan nating ilatag ang prinsipyong kumikilala sa didgnidad ng bawat tao. Kailangan nating makita na lahat tayo ay biniyayaan ng talino, kakayanan, at kalayaan. At mula sa mga biyayang ito, umuusbong ang ating karapatan at obligasyon na maging produktibong kalahok sa lipunan.