15,765 total views
Binigyang-pugay ng Alyansa Tigil Mina ang mga kababaihan sa mga katutubong pamayanang apektado ng pagmimina kasabay ng paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.
Ayon sa grupo, ang mga kababaihan ang nangungunang lumalaban upang mapahinto ang mapaminsalang operasyon ng pagmimina lalo na sa mga katutubong lupain.
Sinabi ng ATM na ang mga babae ang itinuturing na pangunahing tagapangalaga ng pamilya na malaki ang tungkuling tiyaking ligtas ang kalusugan mula sa epekto ng pagmimina.
Bukod dito, ginagampanan din ng kababaihan ang pangangalaga sa mga lupa, pamamahala sa mapagkukunan ng tubig, at pagbabantay sa mga lupang sakahan at kagubatan.
“They suffer most from the impact of mining such as loss of biodiversity, razed forests, soil erosion, and various forms of pollutions,” pahayag ng grupo.
Inihayag naman ng ATM na higit na maaapektuhan ng panukalang pagbabago sa 1987 Philippine Constitution ang kababaihan dahil sa isinusulong na Charter Change na magpapahintulot para sa 100 porsyentong foreign ownership sa mga lupain at likas na yaman ng bansa.
Iginiit ng grupo na ang pagsasamantala sa economic provisions ng konstitusyon ay magdudulot ng negatibong epekto sa inaasam pang pag-unlad ng Pilipinas.
Panawagan ng ATM sa mga lider ng pamahalaan na pakinggan at pagtuunan ang panawagan ng mga kababaihan na ihinto na ang mapaminsalang pagmimina sa mga pamayanan, at sa halip ay gawing prayoridad ang pagpapabuti sa pagkain, lupa, tubig, at karapatan para sa ligtas at malusog na kapaligiran.
Gayundin ang pagtataguyod sa karapatan ng mga kababaihan kaysa pagtuunan ang pagsusulong sa charter change na walang malinaw na layunin para sa kapakanan ng mamamayan at bansa.
“We likewise extend our solidarity to all women, especially those who fight for gender equity and women empowerment. On this Women’s Day, let us celebrate the victories and advances borne out of women’s glorious struggles,” saad ng ATM.
Nakasaad sa Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco na karapatan ng bawat isa na maglabas ng saloobin hinggil sa mga nangyayaring hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan, kung saan ang ila’y tinitingnan ang mga sarili na mas karapat-dapat kaysa ibang higit na dapat bigyang-halaga