920 total views
Kapanalig, marami sa ating kabataan ngayon ay tunay na nagluluksa. Marami sa kanila ay tumaya ngayong eleksyon, at walang pang isang araw, nakita nilang naglaho, kasabay ng pagtaas ng bilang ng resulta ng halalan, ang kanilang mga kabubuo pa lamang na pangarap.
Ang kanilang pagtaya nitong eleksyon ay iba sa pagtataya ng kanilang mga magulang. Kadalasan, ang mga magulang nila ay bumoto kay Marcos Jr., at sila naman, kay Leni Robredo. Kung titingnan niyo ang social media ngayon, maraming mga bata ang umiiyak at nalulungkot at maraming mga magulang ang nagsasaya habang nagtataka sa lalim ng kalungkutan ng kanilang mga anak. Ang mas nakakabahala dito, sa halip na unawain ang mga batang ito, may mga magulang pa na pinagagalitan sila.
Kapanalig, kailangan nating maunawaan na para sa mga kabataan, ang halalan na ito ay mahalaga. Nakita nila ito bilang isa sa mga susi ng pagbabago sa lipunan. Nakikita nila na sa pagluklok ng tamang tamang tao sa pwesto, mas maganda ang kinabukasan para sa lahat. Sa bawat rally na kanilang pinuntahan, o mga house to house activities na kanilang nilahukan, naramdaman nila na kasama sila sa lipunan, may boses sila sa lipunan, at abot kamay ang uri ng liderato na nais nila.
Kapanalig, puro at dalisay ang kanilang pagtataya, iba man ito sa nais natin. Hindi man pareho ang boto ng kabataan sa mga nakakatanda, natalo man sila, hindi ito nangangahulugan na sila ay mali. Ang kanilang pagtangis ay hindi din natin dapat maliitin. Naalala mo pa ba ang mga pangarap mo noong kabataan mo? Ano ang naging pakiramdam mo sa mga pagkakataong pinagtatawanan ka o kinukutya ka dahil dito? Naranasan mo bang pagalitan ka pa o kutyain pa habang dinadamdam mo ang pagkasawi o pagkatalo mo?
Isa sa matingkad na katangian sa kandidato ng maraming kabataan ngayong eleksyon ay ang sense of mission – na kahit pa kutyain ka, kahit pa matalo ka, tuloy lang ang krusada at trabaho para sa kabutihan ng ng lahat. Para sa mga nagtatangis na kabataan ngayon, hindi nagtatapos sa pangarap ang pagbabago. Nagsisimula ito dito at tinutulak hanggang dulo ng sense of mission, na siyang pamana ng movement na nilahukan ng maraming kabataan.
Para sa mga magulang ng mga lumahok dito, maswerte ka, iba man ang boto ng anak mo sa iyo. Maswerte ka dahil mulat na siya at nagsimula ng mangarap. At mula sa nasawing pangarap na ito uusbong ang kanilang sense of mission, na siyang tutulong at magkakarga sa iyo hanggang dulo, at sa mga panahong maaring magipit ka sa mga polisiya at patakaran ng gobyernong napili mo.
Kapanalig, ang mga kataga ni Pope Francis sa kanyang World Youth Day Message noong 2020 ay maaring magbigay alwa sa kalooban ng mga magulang at kabataan ngayon panibagong kabanata sa buhay pulitika natin: If you can learn to weep with those who are weeping, you will find true happiness. So many are disadvantaged and victims of violence and persecution. Let their wounds become your own, and you will be bearers of hope in this world.