507 total views
Kapanalig, ang ating mundo ngayon ay digital na. Halos lahat na ng ating mga transaksyon ngayon ay ginagawa natin gamit ang mga online platforms. Sa gitna ng mabilis na pagbabago sa daloy ng mga transaksyon sa bansa, handa na ba ang ating mga kabataan?
Ang mga kabataan sa ating bansa ay maituturing natin na isa sa mga internet savvy sa buong mundo. Kita naman natin, tunay na digital na ang kanilang mga karaniwang pastime o libangan – mula sa online games hanggang sa panonood ng Netflix. Digital din ang kanilang shopping – mapa Lazada man yan o Shopee. Kaya lamang, kapanalig, pagdating sa mundo ng trabaho, digital pa rin ba ang mga kabataan natin? O mga digital consumers lang talaga sila, at hindi ba digital-ready workers?
Ayon sa The Future of Work in the Philippines: Assessing the impact of technological changes on occupations and sectors ng International Labour Organization, malaking porsyento ng mga kabataan na may edad 10 to 14 ay papasok na sa working age population pagdating ng 2025. Ang mga kabataang ito ay pumagitna sa panahon ng pandemya, kung kailan napilitang maging online ang edukasyon sa bansa. At alam naman natin kapanalig, na hindi lahat ay nabiyayaan na magkaroon ng access sa Internet o gadgets, na maari sanang makapaghanda sa kanila sa napipintong pagpasok nila sa work force ng bansa.
Ayon naman sa Jobs Market and Skills Demand for the Future, marami sa mga marginalized youth sa ASEAN ang kulang pa sa kakayahan na kailangan para sa digital economy. Tinatayang mga 47.8% ng kanilang mga nasurvey sa ASEAN ay kulang ang kasanayan para sa mga basic work software. 72.2% ang wala o mababa ang lebel sa advanced digital skills.
Kapanalig, kung akala natin handa na ang ating mga kabataan para sa digital world of work, nagkakamali tayo. Hindi sapat ang kanilang kasanayan sa pag-access ng social media, paglalaro ng online games, o pag-o-online shopping upang maging matagumpay sa mga bagong trabahong kanilang haharapin. Hindi sapat ang kagalingan sa pagti-tiktok upang masiguro na may trabaho silang makukuha matapos ang kanilang aralin.
Napakaraming kabataan ang kailangan nating ihanda para sa digital world of work ngayon. Marami sa kanila, lalo na ang mga nasa labor force na, ang nasanay na sa manual na trabaho sa services at informal sector, kaya’t kailangan natin silang mai-transisyon sa mga makabagong uri ng trabaho na magiging mas in-demand sa darating na panahon. Kailangang magawa ito dahil marami ring trabaho ang maaaring ma-automate ngayon, at kung hindi sila handa, maaari silang mawalan ng pagkakakitaan.
Malaking hamon ito para kasalukuyang administrasyon. Ito ay isa sa mga pinaka-mahalagang task o gawain na kailangan niyang mapagtagumpayan para masiguro ang kinabukasan ng bayan. Sabi nga sa Pacem in Terris: The government should make effective efforts to see that those who are able to work can find employment.
Sumainyo ang Katotohanan.