944 total views
Kapanalig, maraming mga magulang ang natuwa sa pagsasabatas ng Universal Access to Quality Tertiary Education (Republic Act 10931). Sa wakas, may libreng edukasyon na mula pre-school hanggang kolehiyo.
Malaking bagay ito, kapanalig. Alam naman natin kapanalig, na pagdating ng kolehiyo, marami ng mga kabataang Pilipino ang napipilitang tumigil muna mag-aral dahil sa taas ng halaga ng matrikula. Ayon ng sa Philippine Statistics Authority, noong 2010 census, tinatayang 10.1% lamang ng ating populasyon ay academic degree holders. Pihadong tataas na ito sa darating na mga taon dahil sa libreng edukasyon sa mga state-run colleges and universities.
Sana naman pahalagahan ng ating lipunan ang batas na ito. Unang una, malagyan agad nawa ng budget ang layunin ng batas na ito upang tuluyan na itong ma-implement. Walang saysay ang pagsasabatas ng universal access to education kung walang pondong susuporta dito.
Sana rin, pahalagahan ng mga magulang ang batas na ito. Karapatan at obligasyon nila na makuha ang buong inpormasyon ukol dito upang malaman nila kung paano nito matutulungan ang kanilang pamilya. Kailangan nilang magsaliksik ukol dito, at magbantay rin sa implementasyon nito.
Ang mga kabataan ay nawa’y makinabang ng husto sa batas na ito. At sana, iprayoridad nila ang kanilang pag-aaral lalo pa’t may mga batas gaya nito na naglalayong isiguro ang kanilang kinabukasan. Base sa mga datos noon mga nakaraang taon, karaniwang 50% ng mga high school graduates ang hindi na tumutuloy ng kolehiyo.
Kapanalig, ang mga mag-aaral ngayon ay ating mga mannggagawa at mga lider sa darating na mga taon. Kung hindi natin sila bibigyan ng de-kalidad at abot-kayang edukasyon, ang sariling hindi lang buhay nila ang dinehado, kundi ang kinabukasan ng sambayanan.
Ang Panlipunang Turo ng Simbahan ay umuudyok sa atin na kumilos para sa kabutihan ng pamilya, ng lipunan, ng balana. Ang Mater et Magistra ay partikular na nagpapa-alala sa mga magulang na iprayoridad ang pormasyon ng kanilang mga supling: “Mahalaga na bigyang importansya ng mga magulang ang “formation” ng kanilang ga anak. Kailangang turuan silang maging responsable, lalo na sa pagtataguyod ng kanilang pamilya sa kalaunan, at pagsisiguro ng edukasyon ng kanilang mga sariling anak.
Ang ating mahal na Papa ay may mahalagang paalala naman sa mga kabataan noong World Youth Day noong nakaraang taon. Sana ay umalingawngaw sa kanilang buhay ang mga katagang ito: “Dear Young People, do not be mediocre. The Christian life challenges us with great ideals.” Andito na ang mga kasangkapan upang maabot natin ang ating mga pangarap. Gamitin natin ito ng upang maabot natin ang potensyal at kaganapan bilang anak ng Diyos.