722 total views
Kapanalig, sa elementarya pa lamang, tinuturuan na natin ang mga kabataan ukol sa kanilang mga batayang karapatan. Kasama na ito sa ating kurikula. Pero bakit sa labas ng paaralan, tila kabalintunaan ang nagiging praktis o pagkilala sa mga karapatang ito?
Ayon nga sa polisya ng Department of Education (DepEd Order No. 20 S 2012), dapat may zero-tolerance ang lahat ng paaralan ukol sa kahit anuman uri ng child abuse, exploitation, karahasan, diksriminasyon, pambu-bully, at anu pa mang uri ng pang-aabuso. Pero bakit kapanalig, pag labas ng paaralan, tila bulnerable ang mga kabataan natin ngayon sa pang-aabuso at krimen? Wala na bang saysay ang batayang karapatan ng mga bata?
Ang Children’s Legal Rights and Development Centre (CLRDC) ay nakapagdokumento at nakapag-verify ng 40 na kaso ng kamatayan ng bata sa pagitan ng July 2016 at April 2017. Karamihan dito ay lalake (27). Pinatay sila ng mga pulis o di kaya di nakikilalang gunmen. Wala pang nahuhuli ni isa sa mga salarin na ito.
Maraming pamilya ang nagdadalamhati, kapanalig, sa mga pagpaslang na ito. Kung para sa mga pinuno ay collateral damage lamang sila, ang mga batang ito ay buhay para sa kanilang mga magulang. Sila ang saysay at kahulugan ng lahat ng sarkipisyong ginagawa ng mga ama’t ina. Para sa mga naulilang pamilya, ang laban kontra droga ay nagbibigay ng ibayong kalungkutan sa kanilang mga kabahayan.
Kapanalig, ito nga ang nakakapagtaka. Sa ating lipunan kung saan dating binibigyang prayoridad ang pamilya, tila ngayon, tayo na mismo ang pumapatay dito. At habang dumadami ang mga namamatay, tila dumadami ang nagjujustify nito. May mga natutuwa pa dahil bawas na raw ang krimen sa kanilang paligid. Ang mga kamatayang nangyayari sa ating paligid ay hindi lamang isyu ng droga. Ito ay isyu ng pagkabulok na ng ating konsensya. Hindi krimen ang nababawasan, kapanalig, kundi ang ating kaluluwa.
Mali ang pumatay. Alam natin lahat ito. Tinuturo nga natin mismo sa ating mga kabataan sa loob ng paaralan kung paano natin dapat kinikikila ang kahalagahan ng buhay at ang karapatang pantao. Bakit kabaligtaran ang ating ginagawa sa ating mga salita?
Ang mga Obispo sa America ay may inakda, ang “The Harvest of Justice is Sown in Peace.” Dito, kanilang kinomento: Napakabilis nating bumaling sa mga mabibilis na solusyon sa mga komplikadong problema ng ating panahon. Niyayakap natin ang karahasan kaysa maghanap ng mga mapayapang paraan na humihingi sa atin ng sakripisyo, pasensya, at panahon. Ang karahasan, kahit kailanman ay hindi sagot sa kapwa karahasan.
Kaya’t dapat lamang na mabagabag tayo sa mga kamatayang nangyayari sa ating paligid. Mas nakakamatay pa ito kaysa sa anumang epidemya ngayon. Ayon nga sa Pastoral Statement ng ating mga Obispo (Pastoral Statement on the Extra-judicial Killings): Kahit pa kapuri-puri ang layunin na tanggalin ang droga sa ating lipunan, kung isasawalang bahala naman natin ang prinsipyo ng katarungan, due process, at dignidad ng buhay, pati na ang proteksyon ng pamilya at kabataan, maaring tayong magkamali. Maari tayong makapatay ng mga musmos at ng kanilang mga pamilya, na siya ring mga direktang biktima ng droga sa ating lipunan.