2,316 total views
Isinusulong ng BAN Toxics ang kampanya para sa kaligtasan ng mga bata sa mga nabibiling laruan ngayong nalalapit na ang panahon ng Pasko.
Ayon kay BAN Toxics Campaigner Thony Dizon, layunin ng Safe Toys for Kids Campaign na paigtingin ang kamalayan ng mamamayan laban sa mga produktong maaaring magdulot ng panganib sa mga bata.
Tinukoy ni Dizon ang mga laruang may maliliit na bahagi at sangkap na mapanganib na kemikal na maaaring makain at malunok ng mga bata.
“Every child deserves access to safe and good quality toys, free from potential hazards like choking, laceration, strangulation, eye injury, and chemical exposure,” ayon kay Dizon.
Binigyang-diin naman ng grupo ang Republic Act 9711 na nagbabawal sa paglikha, pag-angkat, pagluluwas, pag-advertise at pagsuporta sa anumang produkto nang walang wastong pahintulot mula sa Food and Drug Administration.
Gayundin ang RA 10620 o Toy and Game Safety Labelling Law, na ipinag-uutos na ang lahat ng produktong nagmula sa labas ng Pilipinas ay dapat sumunod sa mga panuntunan ng Philippine National Standards for Toy Safety.
Paalala naman ng BAN Toxics sa mga magulang na piliing mabuti ang mga laruang naaangkop sa edad ng mga bata, at ang mahigpit na pagbabantay habang naglalaro.
“The most effective way to safeguard your children is to closely supervise their playtime,” ayon sa grupo.
Sa Katuruang Panlipunan ng Simbahan, bagamat sang-ayon ang simbahan na kumita ang isang mamumuhunan, mahalagang matiyak na ang negosyo nito’y hindi nagdudulot ng kapahamakan sa kalusugan ng mamamayan at pinsala sa kalikasan.