295 total views
June 9, 2020-12:30pm
Maging bahagi ng Spiritual frontliners ng simbahan para labanan ang patuloy na panganib sa lipunan dulot ng novel coronavirus.
Ito ang paanyaya ni Renee Jose-in charge ng Religious Department ng Radio Veritas lalu na sa mga senior citizen at kabataan na hindi nakakalabas ng kanilang tahanan na maging spiritual warriors sa pamamagitan ng patuloy na pananalangin bilang sandata at prokteksyon laban sa nakakahawang sakit.
“We are the prayer warriors of our time hindi naman kasi tayong lahat nakakalabas to fight covid-19 lalung lalu na po ung mga nasa senior years na po e talagang nasa bahay lang po,” ayon kay Jose.
Dagdag pa ni Jose na malaking tulong rin sa mga mananampalatayang katoliko ang ginaganap na misa sa radio, telebisyon at online upang magiging matatag sa panahon ng krisis na dulot ng pandemya.
Nagpapasalamat din ang Radyo Veritas sa mga pari na bahagi sa pagdaraos ng misa sa himpilan na mapapakinggan sa radyo at mapapanood sa Veritas846.ph.
Paliwanag ni Jose, dahil sa pakikinig sa on-air at online masses gayundin ang mga on-line recollection ay nagkakaroon ng masasandigan ang publiko sa nararanasang pagkabagot at agam-agam dahil na rin sa lockdown policy sanhi na rin ng nakakahawang sakit.
“Pero through listening to Radio Veritas sa mga streaming po, sabi nga nila it’s keeping them sane,” dagdag pa nito.
Nagpapasalamat din ni Jose sa mga prayer warriors na bukod sa pagdarasal ay nagbabahagi rin ng tulong upang patuloy na maisagawa ang misa na naghahatid ng kaginhawahan at naghahatid ng pag-asa sa mga mananampalatayang nababalisa dulot ng pandemya.
Sa mga nais na magbigay ng tulong tumawag lamang sa telepono bilang 8925-7931 hanggang 43 local 129 o di kaya sa 0917-631 4589 at hanapin lamang si Renee Jose.
Ang on-air at online mass ay mapapakinggan tuwing alas-6 ng umaga, alas-12 ng tanghali at alas-6 ng gabi.
Mula sa nakagawiang Healing Mass On-Air tuwing alas-12:15 ng tanghali ay ginawang tatlong beses sa isang araw ang misa sa Veritas Chapel dulot na rin ng pagbabawal sa pampublikong misa sa mga Parokya simula noong Marso.
Sa kasalukuyan ang Metro Manila at malaking bahagi ng bansa ay nasa ilalim ng General Community Quarantine na bagama’t pinapayagan ang misa sa Parokya ay limitado lamang ito sa 10-katao.