822 total views
Inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang kabataan ang tagapagtaguyod ng kapayapaan sa sanlibutan.
Ito ang bahagi ng mensahe ng Santo Papa sa pagtitipon ng 7th Congress of Leaders of World and Traditional Religions sa Kazakhstan.
Naniniwala si Pope Francis na iwaksi ng kabataan ang anumang uri ng karahasan, pananamantala, pag-iimbak ng iba’t ibang pagkukunan ng pangangailangan ng mamamayan at isusulong naman ang pagiging makabayan.
“Young people are messengers of peace and unity, in the present and in the future. It is they who, more than anyone else, call for peace and respect for the common home of creation,” ayon sa pahayag ni Pope Francis.
Unang sinabi ni Pope Francis na ang kanyang pagbisita sa Kazakhstan ay upang isabuhay ang pakikipagkapwa tungo sa pagbubuklod ng pamayanan.
Apela ng punong pastol ng simbahan sa mamamayan na palaguin ang edukasyon ng kabataan upang mahubog sa mas maunlad at nagbubuklod na pamayanan.
“Let us put into the hands of the young opportunities for education, not weapons of destruction! And let us listen to them, without being afraid to be challenged by their questions. Above all, let us build a world with them in mind,” dagdag ng Santo Papa.
Sinabi ni Pope Francis na malaki ang tungkulin ng mga lider ng ibat ibang pananampalataya at ng mga kabataan upang makamit ang kapayapaan ng buong daigdig.
Kabilang si Pope Francis sa mga religious leaders na nakiisa sa pagtitipon na ginanap sa Nur Sultan kung saan tema ang “The Role of Leaders of World and Traditional Faiths in the Socio-Spiritual Development of Humanity after the Pandemic”.
Layunin ng pagtitipon ng mga religious leaders ang isulong ang interreligious dialogue, kapayapaan at pagkakaisa sa lipunan.